Miyerkules, Setyembre 7, 2011

Punyal


Noong taong 1981, masuwerteng sa Teacher’s Camp, Baguio City idinaos ang taunang National Secondary Schools Press Conference. Maraming taga-probinsiyang mga delegado ang tuwang-tuwa dahil makakapunta sila ng libre sa Summer Capital of the Philippines. Kabilang na roon ang magkaklase at magpinsang Andrea at Brando. Sila ang contestants ng kanilang school sa English news writing at feature writing.
“P-parang haunted house pala ang mga modelo ng bahay dito sa camp, ‘insan. Pati mga puno ay katulad din sa setting ng mga horror western movies!” komento ni Brando na pumipilantik pa ang mga daliring nakaturo sa dinadaanan nilang pine trees.
Unti-unting bumabangon ang naiidlip na sanang takot sa isipan ni Andrea. Bago kasi sila umalis ng probinsiya, may narinig na siyang kuwento tungkol sa naninirahang white lady daw sa naturang camp.
“Ayyy, white lady!” sigaw ni Brando.

Lahat ng mga delegadong nakarinig ay naalarmang huminto sa pag-akyat sa burol.
Inis na tinulungan ni Andrea ang nadapang pinsan.
“Kalalaki mong tao e daig mo pa’ng babaing lampa, Brando!”
“Correction! Brenda!”
“Brenda – mage!” inikot ng dalagita ang eyeballs.” Halika na! Nakakahiya sa adviser natin. Mas nauna pa siyang nakarating sa burol gayong kuwarenta anyos na ‘yun, ha!”
Dahil nanggagaling na sa buong Pilipinas ang mga delegado, madaling napuno ang mga quarters na malalapit sa Social hall, Conference rooms, at Mess hall.
Ang mga single-detached na bahay na nasa burol ang naka-reserve sa mga late comers na tulad nina Andrea.
May tatlong kuwarto ang bahay na pansamantalang titirhan nila sa apat na araw ng nasabing conference. Pinili ni Mrs.Guanzon, ang adviser ng magpinsan, ang nag-i isang kuwarto sa first floor para sa kanila ni Andrea. Ang dalawang kuwartong nasa itaas ay inokupa naman ng mga delegadong galing din ng Western Visayas.
Ang interior design pati ang mga lumang kasangkapan sa loob ng bahay ay walang ipinagkaiba sa bahay na madalas pinagdausan ng shooting ng horror movies. Ang fireplace sa sala ang nagpakumpleto sa eerie feeling na kanina pa namamahay sa dibdib ni Andrea.
“Nakakita na ho ba kayo ng white lady, ma’am?”
“Hindi pa,” kaswal na sagot ni Mrs. Guanzon habang inaayos din ang sariling gamit sa built-in cabinet. “For me, isang alamat lang ‘yan. Karakter na likhang-isip para gawing panakot lalo na sa mahihilig gumala sa gabi.”
Kahit papaano, nabawasan ang kaba ng dalagita.
Alas dos pa lang ng hapon. Tuloy ang pagdatingan ng mga delegates mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Sa gabi pa naman ang opening ceremony kaya nagkayayaan silang mag-boating muna sa Burnham Park.
Saglit na nakalimutan ni Andrea ang takot. Enjoy na enjoy siya sa pamamasyal nila lalo na sa picture taking nila sa Mines View Park.
Napakaganda nga ng Baguio City, sa loob-loob ng dalagita. It is a city which sits atop the Cordillera mountain range kaya kita halos ang kapaligiran sa ilalim at napakalamig pa ng klima.
Mula roon, dumiretso na sila sa mga stores which sell the best Filipino products.
Lalo pang na-enjoy ni Andrea ang first day ng conference dahil sa mga bagong nakilalang high school students mula sa iba’t ibang schools sa buong Pilipinas during the opening ceremony. Ang mga guwapong delegates ay inihiwalay pa niya ng lista sa dala-dala niyang address book. Pasado alas nuwebe ng gabi nang matapos ang programa.
Pabalik na sila sa kanilang quarter nang magkaroon nang komosyon sa hallway pa lang ng social hall. Nang usisain nila ay mga delegado palang nagkakatakutan. May pilyong delegate daw na nagtalukbong ng puting kumot, nagkunwaring white lady at hinaharang ang mga dumadaan.
Pagpasok pa lang nila ng kuwarto ay ang kurtina agad sa bintana ang napansin ni Andrea. Tanda niya, bago sila umalis kanina ay inilapat niya iyon nang husto para hindi makita ng mga dumadaan ang loob ng kanilang kuwarto.
“Baka pumasok kanina rito ang caretaker at naglinis kaya nagalaw ang kurtina,” paliwanag ni Mrs. Guanzon. “Andrea, iha… hindi totoo ang white lady.”
Napahiya ang dalagita. Nabasa nang butihing guro ang nasa isip niya.
Bago muling isara ang mga kurtina, sumilip pa muna sa labas ang dalagita. Madilim. Ang tanging ilaw lang na nakikita niya ay mula sa di kalayuang bahay nakasalukuyang inuokupang mga lalaking delegates kasama na roon si Brando.
Biglang napaatras ang dalagita nang may namataang dumaan sa harapan ng kanilang bintana.
“Bakit?”
“M-Ma’am, lalaking nakabahag! Akma niya akong saksakin ng hawak na punyal!” pasigaw na sagot ng dalagita.
Dali-daling binuksan ng guro ang bintana at sumilip pa sa labas.
“Wala naman. Ano’ng gagawin ng Igorot dito? In case, may Igorot delegates, hindi na sila nagbabahag.” Muling isinara ng guro ang bintana. “Masyado mo kasing sineseryoso ang mga haka-haka ng iba. Matulog na tayo nang maaga. You need rest for the contest tomorrow. Goodnight, iha.”
“G-goodnight, ma’am…”
Nanginginig na nagtalukbong ng kumot si Andrea. Tiyak niyang hindi siya namamalikmata lang kanina. Malinaw sa paningin niya na nakabahag ang lalaki dahil nasinagan ito ng liwanag na nagmumula sa ilaw ng kanilang kuwarto. Galit at tila nagbabaga ang mga mata.
ALAS-KUWATRO myedia pa lang ng umaga ay gising na si Mrs. Guanzon. Kahit inaantok pa, sumabay na rin ang dalagita sa paliligo nito. Ayaw niyang mapag-isa siya sa bathroom. Baka kasi biglang magpakita sa kanya muli ang lalaking nakabahag. Mabuti na lang at ugali ng guro na kumanta habang naliligo. At least, kahit nasa kabilang cubicle ito ay alam ng dalagitang hindi siya nag-iisa.
Alas sais pa lang ng umaga ay nakagayak na sila. Mahigit 200 meters pa ang lalakarin nila pababa ng burol bago marating ang Mess hall. 6:30a.m kasi ang oras ng almusal para sa lahat ng mga delegates.
“Nangangalumata ka yata, ‘insan!” bati ni Brando nang magpang-abot sila sa Mess Hall.
“Namamahay kasi ang pinsan mo, Brando,” salo ni Mrs. Guanzon. “Sige, kumain kayong mabuti ng para in the mood kayo mamaya sa contest proper.”
PINILIT nang dalagita na makapag-concentrate sa ginagawang feature article. Gusto niyang may iuwing karangalan sa school nila.
Nag-iisip na lamang siya ng magandang ending ng kanyang article nang mapadako ang kanyang paningin sa pintuan ng kanilang room na pinagdausan ng contest.
Sindak siya nang makitang nakatayo roon ang lalaking nakabahag. Nanlilisik ang mga matang nakatingin sa kanya.
” What is it, Miss Gonzaga? ” takang-tanong ng kanilang watcher nang makitang namumutla siya at napatulala pa.
Napakurap lang siya ay biglang nawala na ang lalaki. Lahat ng mga kasama niyang contestants ay inis na napatingin sa kanya.
“T-TALAGA, ‘insan? Dalawang beses nang nagpakita sa ‘yo ang Igorot na ‘yon? Di makapaniwalang tanong ni Brando nang magkita sila sa labas ng conference room.
“Affected na nga ako kagabi eh muli pa siyang nagpakita kanina. Ewan ko kung okey ‘yung ending ng article ko.” Namumutla pa rin sa takot si Andrea. “Naging weird tuloy ang tingin sa akin kanina ng mga kalaban ko. Dyahi talaga!”
Sa nangyari, lalong natakot pumasok mag-isa ang dalagita sa Ladies Room. Nagpasama na ito sa pinsan.
“Puwede ba ‘yon? Pagagalitan ako tiyak ni Mrs. Guanzon pag may nakapag sumbong na diyan ako sa inyo magsi-CR!”
“Tange! Sinabi ko bang pumasok ka? Sa labas ka lang, ‘no!”
Kakaba-kabang pumasok ang dalagita na agad ding lumabas uli.
“Kumanta ka kaya habang inaantay mo ako, ‘insan!”
“Sus, pumunta lang ‘to sa Baguio ay naging duwag na! ‘Lam namang nakakapabangon ng patay ang boses ko, eh! Sige na nga! Pumasok ka na!”
Saglit lang na kumanta si Brando pagkatapos ay tumahimik na ito.
“B-Brando! Loko ka ha!” sigaw ni Andrea. ‘”Wag mo akong igudtaym! Ikaw rin! Isusumbong kita sa iyong na nagka-crush ka na sa lalaki!”
“Emotional blackmail ‘yan, loka! Teka’t nag-iisip ako ng bagong kantang mataas ang pitch! Sumasayad kasi ang vocal chords ko!”
“Pasayad-sayad ka pa dyan! Sintunado ka naman! Tumula ka na lang kaya! Make any noise na alam kong nandiyan ka lang!”
Pero hindi na sumagot pa ang pinsan. Lalabas na sana ang dalagita nang may namataan siyang pares ng mga paang nakatayo lang sa labas ng inuokupa niyang cubicle.
“Yaikks! Brando, ba’t ka pumasok? Tapos, nagtanggal ka pa ng rubber shoes!” nandidiring sita ng dalagita.
Agad siyang lumabas ng cubicle ngunit wala na roon ang pinsan. Puro naman bukas ang tatlo pang cubicle. Dali-dali siyang lumabas ng Ladies Room.
Wala rin doon ang pinsan. Babalik sana siya uli sa loob nang makitang lumabas mula sa katapat lang na Gentlemen‘s Room si Brando.
“Sorry, ‘insan…parang sasabog na kasi ang pantog ko kaya tumakbo na ako roon sa amin!”
“H-h-hindi ikaw ang nakita kong pumasok sa amin na nakapaa?!”
Napamaang na napailing-iling ang binatilyo.
Mahigpit na hinawakan ni Andrea sa braso ang pinsan at isinama sa loob ng Ladies Room.
Mismo sa tapat ng ginamit niyang cubicle ay nakalutang ang isang punyal. Nakaumang ang dulo ng talim nito sa kanya.
Napatili ang dalagita. Nauna pang kumaripas ng takbo si Brando kaysa sa kanya.
Nagkagulo sa buong camp. May natakot at may nagtaas ng mga kilay.
“Maniwala po kayo sa akin, ma’am! Talaga pong lumulutang ang punyal at nakaumang iyon sa amin! Marahil hawak iyon ng hindi nakikitang lalaking nakabahag! Di ba, Brando?”
“A… e… sa totoo lang po… wala naman akong nakita! Nahawa lang talaga ako kanina sa takot mo, ‘insan!”
Tawanan ang lahat ng nakapaligid sa kanila.
Mangani-nganing sampalin ni Andrea ang pinsan. Nag mukhang engot tuloy siya.
“Kung sinabi mo pang nakakita ka ng white lady ay maniniwala pa siguro kami!” naka ngising sabi ng isang delegado.
Nagtawanang umalis na ang lahat.
“Pati ba naman ikaw, ma’am, ay ayaw ring maniwala sa akin?”
“Calm down, iha. Doon na tayo sa ating quarter mag-usap.”
NADATNAN nilang naghihintay sa kanila ang matandang lalaking
caretaker.
“Nabahala na ako kanina sa nangyayari sa ‘yo, ineng. Kung mamarapatin mo, gusto ko sanang makita ang mga pinamili mong souvenier items.”
Inilabas ng dalagita ang isang traveling bag na puno ng pinamili niyang pasalubong.
Napokus ang atensiyon ng matandang lalaki sa isang punyal. Sinipat niya itong mabuti.
“Sundalo ho kasi ang kuya ko, “paliwanag ni Andrea. “Nagpadala ho siya ng pera para pambili ng punyal. Kahit mahal ay binili ko ho ‘yan kasi unique ang pagkakagawa at mukhang antique pa.”
“Isa ito sa mga ancient weapons ng mga katutubong nanirahan dito noon. Isoli mo ito kung saan mo binili, ineng. Nang hindi ka na guluhin kung sakaling may sumpa ng kamatayang nakakabit dito.”
Napag-alaman din nilang dati palang battlefield ng mga indigenous people ang Baguio City.
Nanlumo si Andrea. Binili lang niya iyon sa isang lalaking napadaan habang namimili sila ng mga souvenir items noon. Nakiusap na lamang siya sa caretaker na ito na ang sumira o kaya ay magtapon ng naturang punyal.
Nang muli silang bumaba ng burol ay kumakalat na ang balita tungkol sa nakita ng dyanitor na naglinis sa Ladies Room na nakitaan ng nakalutang na punyal ni Andrea. Puro raw putik ang sahig at may mga bakas ng paa na humangga lamang sa labas ng cubicle na ginamit noon ng dalagita.
THIRD place sa news writing si Brando samantalang nakuha naman ni Andrea ang unang gantimpla sa feature writing.
Taas-noong umakyat ng stage ang dalagita. Wala na ang tawanan o pang-iinsulto na maririnig mula sa mga delegado kundi ang malalakas nilang palakpakan. Hindi lang tiyak ni Andrea kung para ba iyon sa nakamit niyang karangalan o dahil kahit papaano ay nagkaroon ng linaw ang kanyang mga rebelasyon.
Nagpakawala ng isang mahabang-buntung hininga ang dalagita. Sa susunod, magiging maingat na siya sa pagbili ng mga souvenir items.
Ang Wakas

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento