Miyerkules, Setyembre 7, 2011

Akala Ko Hindi Mo Pansin – Kabanata 6


Akala Ko Hindi Mo Pansin – Kabanata 6

ILANG saglit na nawalan ng kibo si Josh matapos marinig ang sinabi niya.
“Hey! Bakit hindi ka na nagsasalita?” untag ni Jean dito na bahagya pang siniko sa braso.
“Ha? Ah, wala.”
“Wala? Ikaw talaga, ang daya mo. Ako, may comment nang magkuwento ka tungkol sa iyo, tapos, ikaw wala.”
“Ayoko kasing magkomento.”
“Bakit?”

“Kasi, okay naman ang kuwento ng buhay mo. Nagsikap kang makapag-aral, nagkatrabaho ka sa resort at sa ngayon ay sinusuportahan mo ang mga kapatid mo. Pareho lang tayo, hindi ba? Ang hindi lang pareho, yong mga pangarap natin.”
“Alin? ‘Yong maghahanap ako ng prince charming na hahango sa pagiging Cinderella ko?”
“Oo,” diretso nitong tugon.
Ewan kung bakit, parang gusto niyang mapahiya.
“W-well, bahagi lang naman ng ilusyon ko ‘yon. Kasi naman, may mga kuwento rin namang ganoon, di ba? Isa pa, wala naman kasi akong maisip na ibang paraan para matulungan ko ang pamilya ko sa kahirapan ng buhay.”
“Paano kung hindi mo matagpuan ang lalaking pangarap mo? Ang ibig kong sabihin, paano kung… kung mahirap lang na kagaya ko ang lumapit sa iyo?”
“J-Josh!” Biglang tila nanuyo ang lalamunan niya.
“Basted na ba ako agad?”
Oh my God! Nataranta si Jean at hindi makahagilap ng sasabihin. Basta nakatitig lang siya sa mukha nito.
“Sabagay, bakit ba ako aasa na pumasa sa iyo?” Inalis nito ang pagkakaakbay sa kanya. “Hanggang ngayon, ganito pa rin ako. Samantalang ikaw, nakatapos ka ng pag-aaral. May pag-asa ka kahit paano na matupad ang pangarap mo. Samantalang ako –”
“J-Josh, please, huwag ka na munang magsalita.” Pinisil niya ang palad nito. “B-birthday mo, hindi ba? A-ayokong masira ang gabi mo.”
Napabuntong-hininga na lang ito.
“Sorry, hindi ko mapigilan.”
Ilang sandaling namagitan ang katahimikan sa kanila.
“Josh…”
“Hmm…?”
“G-gusto mo bang sabihin ay… nililigawan mo ako?”
Napalingon ito sa kanya.
“Bakit? Hindi pa ba halata?” walang kangiti-ngiting tanong nito.
“A-akala ko kasi’y ginagawa mo lang halimbawa ang –”
“Ito ang hindi halimbawa, Jean.” Pagkawika niyon, biglang kumabig ang braso nito sa batok niya, kasunod niyon ay naglapat ang mga labi nila.
Nanlalaki ang mga matang napatitig sa bilog na buwan si Jean. Oo nga at liberated siya, pero never pa siyang nahalikan ng lalaki.
At bakit nga hindi, wala pa talagang lalaki ang nakakapasa sa mataas na standard niya sa pipiliing hahalik sa kanya.
Pero si Josh, ang lakas ng loob nito, ni walang pahintulot, ni walang paalam…
Naramdaman niyang napapapikit ang kanyang mga mata.
Gusto niya ang init na nagmumula sa mga labi nito, lalong gusto niya ang mga kiliting nabubuhay sa kanyang mga ugat dahil sa mabining paggalaw ng mga labi nito sa bibig niya.
Ilang sandali, iyong pakiramdam na nalalasing ang kanyang diwa dahil sa pangahas na paghalik na nito sa mga labi niya ay damang-dama niya.
“Jean…” bigkas nito nang saglit na tumigil sa ginagawa at matiim na tumitig sa kanyang mukha. “Kung nagagalit ka sa ginawa ko, sampalin mo ako. Hindi ako magagalit. Pero kung hindi, please, ipadama mo sa akin.” Pagkawika niyon ay muli nitong inilapit ang mukha sa mukha niya, pagkuwa’y muling naging pangahas ang mga labi.
Muling natulala sa kawalan ang dalaga.
Naghahamon ang tinig ni Josh, hinahamon ang kanyang katinuan, pero nag-aanyaya rin ito, inaanyayahan ang sensual na bahagi ng kanyang pagkatao.
Ang huli ang kanyang pinansin, ang pag-aanyaya nito sa sensual na bahagi ng kanyang pagkatao. Gusto niyang pagbigyan ang kabilingan nito na ipadama rito na hindi siya galit.
Kusang bumuka ang kanyang bibig, hinayaang makapasok ang munting dila nito na ‘ nagsimulang , humalihaw sa loob. Nagsimula ring gumalaw ang kanyang mga labi, iyon ang intindi niya sa kahilingan nito, ang tugunin ang mapangahas nitong halik.
Matagal silang nagsalo sa matamis na halik na iyon, mayamaya ay marahang kumalas si Josh sa kanya. Pagkuwa’y may ngiti sa mga labing tinitigan ang kanyang mukha habang may kakaibang kislap ang mga mata.
“Salamat, akala ko’y sampal ang igaganti mo sa akin.”
“K-kasi’y—”
“Sshh!” Masuyong humarang ang daliri nito sa mga labi niya. “Wala namang eksplanasyon sa ginawa mo kundi isang bagay lang, hindi ba?”
“A-ano ‘yon?”
“Hindi ako basted, hindi ba?”
Napaawang ang bibig niya.
Hindi lang ito pangahas, masyado ring mabilis.
“J-Josh, hindi naman ibig sabihin na –”
“Ako ang unang halik mo, hindi ba?”
“H-ha? Paano naman nito nalaman?”
“Alam ko, hindi ka kasi marunong.”
Oh my God! Gusto niyang mamula.
“At gusto ko ‘yon. Ibig sabihin, ako lang talaga ang hinayaan mong makalapit sa iyo.”
“J-Josh, please lang, huwag ka naman sanang masyadong mabilis. N-nalilito lang ako sa nangyayari sa atin.”
“Pero Jean, bakit mo pinipigil ang sarili mo? Dahil sa mga pangarap mo?”
“No! Tigilan mo ako, Josh! Hindi mo alam ang pinagsasabi mo!”
Ilang sandaling napatitig sa kanya ang binata, mayamaya ay napabuntong-hininga na lang ito.
“Sige, hindi ako magiging mabilis. Hindi rin kita pipilitin na aminin sa akin na pareho lang tayo ng nararamdaman. Pagkagaling natin dito, pangako, didistansiya ako sa iyo. Bibigyan kita ng pagkakataong mag-isip.”
“H-ha?”
“Pero kapag naramdaman mong kaya mo akong ipagpalit sa mga pangarap mo, nasa paligid lang ako.” Pagkawika niyon ay nagsimulang sumagwan si Josh pabalik sa isla.
Naiinis si Jean, pakiwari niya, ginagamitan siya ni Josh ng reverse psychology.
Hmp! Bahala ka nga sa buhay mo! Akala mo ba’y susuko ako! Never! Nadala lang ako ng kapaligiran natin. Hindi ko dapat pangibabawin ang nadarama kong ito?
BILING-BALIGTAD sa higaan si Jean, mayamaya ay mapapahaplos siya sa mga labing noong isang gabi ay hinayaan niyang halikan ni Josh.
Ah, ilang araw na bang hindi lumalapit sa kanya ang binata?
Apat na araw na.
At sa loob ng mga araw na iyon, isang bagay ang natiyak niya.
She likes him, in fact, mahal na yata niya ito.
Pero mahirap lang siya. Sawa na ako sa hirap. Sawa na akong magdildil ng asin. Mariin siyang pumikit.
Parang nakikita niya ang isang senaryo.
Magkaharap daw silang nakaupo ni Josh sa loob ng isang barung-barong, kasalo nila sa pagkain ang anim na maliliit nilang anak.
Ang ulam nila, dinildil na asin sa kamatis.
Oh my God! Sawa na ako sa asin at kamatis!
Napabangon siya sa higaan at humakbang patungo sa bintana.
Josh! Para lang magulat.
Naroon si Josh sa isang malapad na batuhan, nakaupo, nakatingin sa gawi ng bintana ng kanyang silid na tila ba hinihintay na dumungaw siya.
Josh, huwag mong gawin sa akin ito! Pabigla siyang napaalis sa bintana at litong nagbalik sa kama. How dare you! Wala kang karapatang guluhin ako!
Malakas na katok sa pinto ang pumukaw sa kanya.
Josh! Napasiksik siya sa headboard sa pag-aakalang ito ang kumakatok.
“Ate Jean!”
“Yvonne, sandali!” Dali-dali niyang binuksan ang pinto.
“Hi, Ate Jean!” nakangiting mukha ng dalagita ang napagbuksan niya.
“Y-Yvonne, ikaw pala, bakit nakabihis ka yata?”
“Aalis na ako.”
“H-ha? Saan kapupunta?”
“Sa Manila. Mag-aaral ako roon. Naisip ko kasing hindi ako para rito sa isla. Kailangan kong mangarap para malimot kong iniwan ako ni Daniel dahil alangan ang kalagayan namin sa buhay.”
“Yvonne!”
Mapait na ngumiti ang dalagita.
“Pasensiya ka na, ha? Gusto ko lang magpaalam sa iyo kaya kahit gabi na ay kumatok pa rin ako.”
“Wala ‘yon. Kung umalis ka na hindi nagpapaalam sa akin, magtatampo ako.”
“Alam ko naman ‘yon, eh.” Umiiyak na yumakap sa kanya si Yvonne.
“Ingat ka sa Manila, ha? Mas maraming gago roon? Huwag kang magpapauto sa mga lalaki, lalo na ‘yong kagaya ni Steven.”
“Oo. Ikaw rin, ingat ka rito.”
“Oo naman. Sige na, lakad ka na.”
“Sige
Malayo na si Yvonne ay nakatanaw pa rin siya rito.
Kung tutuusin, pareho lang naman nila ni Yvonne na mahirap at may ambisyon. Pero ito, natuto lang mangarap dahil nasaktan na ang batang-pusong nagmamahal.
Samantalang siya, natuto munang mangarap, pero ngayon ay nasasaktan…
ILANG gabi ring nadudungawan ni Jean si Josh na nakatingala sa tapat ng bintana niya. Ilang gabi rin niyang kinakalaban ang sarili na lumabas ng kanyang silid upang puntahan ito sa dalampasigan.
Alam kasi niya, sa sandaling nilapitan niya si Josh, iisa lang ang kahulugan niyon. Isinusuko na niya ang kanyang pangarap. Nakahanda na siyang magdildil ng asin at kamatis sa hinaharap.
Pero mahirap palang kalaban ang puso. Isang gabi ay natagpuan ni Jean ang sarili na palabas sa kanyang silid, patungo sa dalampasigan kung saan maaaring naroon si Josh.
Pero wala si Josh sa batuhan na lagi nitong inuupuan.
Nagsawa na ba siya sa katatanaw at kahihintay sa akin?
Naghintay pa rin siya.
Ngunit hanggang lumalim na ang gabi ay walang Josh na dumating.
Nanlulumong bumalik siya sa kanyang silid.
Itutuloy….

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento