PUTING t-shirt na naka-tuck-in sa pantalong maong ang suot ni Josh. Halatang bagong paligo ito at abalang nakikipag-usap kay Marco.
Naroon ang dalawa sa tabi ng nag-iihaw ng hotdog at pork barbeque. Hinayaan ng management ng hotel na may ilang magtinda sa paligid ng resort basta huwag magkakalat. Isa pa ay asawa sila ng ilang tauhan ng resort na gusto lang magkaroon ng dagdag na kita.
Napabuntong-hininga si Jean habang naglalakad na palapit dito.
Napabuntong-hininga si Jean habang naglalakad na palapit dito.
At sinong magsasabi na boy at tubero lang sa resort na iyon si Josh kahit na sa simpleng kasuutan na iyon?
He stands out, kahit pa may ilang kalalakihan na naglalakad sa paligid nito, kahit pa katabi nito si Marco na lalo yatang gumuwapo nang mag-asawa.
Bakit kaya nagtitiyaga na maging boy at maintenance dito ang lalaking ito? Puwede naman siyang maging modelo, o kaya ay mas mataas sa napili niyang trabaho? Napailing siya sa naisip.
Baka naman mababa talaga ang pinag-aralan niya? Napasimangot siya sa isiping iyon. Well, at least ay masipag siya. Hindi kagaya ng iba na ginagamit ang katawan magkamal lang ng salapi. At sa isiping iyon, parang bigla niyang na-realize na ano nga ba ang masama kung boy lang si Josh? Ang mahalaga, disenteng tao ito.
Napangiti si Josh nang mapatingin sa kanya.
“O, nariyan na pala ang hinihintay mo, eh,” wika ni Marco na bahagya pang tinapik sa braso si Josh. “Simple ka lang, ha?” pabulong na wika ng lalaki. “Baka naman hindi mo mapanindigan ang pagpapanggap, bumigay ka.”
“Don’t worry, Pinsan, akong bahala.” Ginanti nito nang tapik sa balikat si Marco.
Bahagyang kumunot ang noo ni Jean sa nakitang iyon.
Okay talaga ‘tong boss ko, walang discrimination sa mga tauhan.
“Hi!” Nakangiting lumapit si Josh sa kanya.
“H-hi. Happy birthday.” Pinigil niya iyong urge na halikan ito sa pisngi bilang pagbati. Baka kung ano ang isipin nito.
“Salamat. Ah, kain na tayo?”
“Ano bang kakainin natin?”
“Iyon, o. Masarap ang barbeque ni Manang Aning. Diyan ako bumibili ng meryenda. Tapos sabayan natin ng inom ng sabaw ng buko.”
“Okay.”
“Halika doon sa mahabang bangko.” Turo nito sa isang bangko na nayuyungyungan ng payong na gawa sa kawayan.
“Sige.”
Barbeque on stick at sabaw nga ng buko ang pinagsaluhan nila, pero ewan ni Jean, pakiramdam niya ay kaysarap-sarap ng kinakain nila.
Dahil kaya sa mataginting na halakhak ni Josh kapag may nasasabi siyang nakakatawa? O, dahil sa naaaliw siyang masdan ang guwapo nitong mukha kapag nagtatama ang mga mata nila?
Kahit na ano pa ang dahilan, saglit niyang nakalimutan na hindi pasado si Josh sa mga criteria na isinet-up niya para sa lalaking hanap niya.
“PASYAL naman tayo doon, o,” turo ni Josh sa dulo ng dalampasigan na malayo sa karamihan.
“Ha? Ang layo na niyon, ah.” Bigla niyang naalala ang pagyayaya ni Steven kay Yvonne na mamasyal sa dakong iyon noong isang gabi.
“Bakit, natatakot ka ba sa akin?”
“Ha? H-hindi. Kaya lang, ano naman ang gagawin natin doon?”
“Wala lang. Maingay kasi rito. Isa pa, naroon ‘yong bangkang ginagamit ko, pasyal kita sa paligid ng isla.”
“H-ha?” Exciting! naisip niya.
Sa totoo lang, hindi pa talaga siya nakakaikot sa kabuuan ng isla kahit magdadalawang taon na siya roon.
Pero sa bangka siya sasakay, ngi!
Ang pangarap sana niya ay maglibot sa paligid ng isla na ang sasakyan niya ay lantsa, o kaya naman ay natatanaw niyang nasa di-kalayuan na The Iron Eagle Yatch.
“O, ano, halika na?” untag nito sa kanya.
Minsan pang natitigan ni Jean ang matamis na ngiti sa mga labi nito. Pati kislap ng mga mata ng binata ay waring nag-aanyaya sa kanya.
“B-baka naman tumaob ‘yon, malunod ako.”
“Don’t worry, expert swimmer ako. Pababayaan ba naman kitang malunod?”
“S-sigurado ka?”
“Oo naman. Halika na?” Inilahad pa nito ang palad sa kanya.
Napatingin siya sa nakalahad na palad, tapos ay sa mukha nito.
Ah, bakit ba hindi siya makatanggi sa paanyaya nang matamis nitong ngiti?
“S-sige?” Tila nahihipnotismong tinanggap niya ang palad nito.
“AY! Baka tumaob!” napapatili si Jean habang mahigpit ang hawak sa gilid ng bangka na walang katig.
“Huwag ka kasing malikot, talagang tataob tayo,” natatawang wika nito habang sumasagwan.
“K-kasi naman, nalulula ako.” Pinilit niyang huwag gumalaw para huwag umuga ang bangka. Pumikit pa siya para huwag malula.
Ngunit sa ginawa ni Jean, lalo niyang naramdaman na gumagalaw ang sinasakyan.
“J-Josh, nalulula talaga ako!” impit na tili niya.
“Sandali, lalapit ako sa iyo para huwag kang matakot.” Huminto sa pagsagwan si Josh at tumayo.
Naramdaman niyang humahakbang ito palapit sa kanya. Siyempre pa lalong umuga ang bangka dahil sa paggalaw nito.
“Bilisan mo! Baka tumaob ang bangka!” impit na tili niyang hindi naman nag-abalang dumilat.
Narinig niya ang mahinang tawa ni Josh, kasunod niyon ay naramdaman niyang naupo ito sa tabi niya.
“Heto na ako, dilat ka na,” bulong nito.
“H-ha?” Naramdaman niya ang pagkiskis ng braso nito sa braso niya, naramdaman niya ang pagkakadikit ng mga katawan nila.
At bakit parang kaylapit ng boses nito.
Bigla siyang dumilat.
“J-Josh!” Muntik nang magkabuhol ang dila niya nang matuklasang halos ay wala na nga palang pagitan ang katawan nila, ang mukha nito ay malapit na malapit sa mukha niya. Nalalanghap niya ang mabangong hininga nito at sigurado siyang ito man ay gayon din sa kanya.
“Nalulula ka pa ba?” Sabay hawak nito sa isang kamay niya at iniakbay pa sa balikat niya ang isang kamay.
That was too intimate!
Para silang magnobyo na nakasakay sa bangkang iyon.
“J-Josh… baka lalong tumaob ang bangka. A-ang lapit mo at—”
“Sshh…” Ngumiti ang binata, pero hindi naman nag-abalang lumayo sa kanya. “Talagang tataob ang bangka kapag naglikot ka.” Pinisil pa nito ang kamay niya.
“Josh!” Napaigtad siya at akmang hihilahin ang kamay.
“Sshh! Huwag kang malikot, tataob tayo.”
Dahil sa babala nito, muling pinigil ni Jean ang sarili na maglikot. Tiniis niya ang nakakailang na pakiramdam dahil sa pagkakalapit ng mga katawan nila.
“Jean…”
“H-ha?” Pero paano niya titiisin ang pagkailang, bahagya pang humigpit ang pagkakaakbay ng palad nito sa balikat niya.
“Jean, natatakot ka ba sa akin?” pabulong na tanong nito, gadali lang ang iniwang layo ng mga labi sa may punung-tainga niya.
“H-hindi.” Hindi naman talaga. Naiilang lang siya.
“Eh, bakit nanginginig ka? Saka nanlalamig ko, o.” Muli nitong pinisil ang palad niya.
“J-Josh, k-kasi naman, baka hindi mo napapansin ang ginagawa mo,” there, nasabi niya. “H-halos ay yakapin mo na ako, ano?” Nilakipan pa niya ng kalarayan ang tinig.
Natawa nang pagak si Josh, pero hindi naman binago ang ayos nila.
“Malamig kasi rito sa laot. Isa pa, wala namang masama sa ginagawa ko, ah. Sinisiguro ko lang na hindi ka na malulula kahit gumalaw ang bangka.”
“Hmp! Ewan ko sa iyo! Dapat yata ay hindi ako pumayag na sumama sa iyo rito sa laot.” Napairap na lang siya rito. Pero hindi pa rin niya magawang hilahin ang kamay na hawak nito.
“Jean…”
“O!” angil niya na sa ibang panig pa rin nakatingin.
“Sasagwan pa ba ako, o dito na lang tayo sa gitna ng laot?”
“H-ha?” Napilitan siyang lingunin ito.
“Dito muna tayo, ha? Ang ganda ng liwanag ng buwan, o. Parang tayo lang ang tinatanglawan.”
“B-baka tumaob ang bangka.”
“Hindi nga. Akong bahala. Ano, dito muna tayo, ha?”
“Bahala ka na nga!” Muli siyang nag-iwas nang tingin dito.
Ilang sandali ang lumipas.
Mainit ang katawan ni Josh, damang-dama niya iyon. Matigas ang kalamnan ng mga braso nito, parang ang sarap magpakulong doon.
“J-Josh.”
“Hmm…?”
“B-bakit nga ba tayo tumigil dito?”
“Ha?” Saka ito natawa. “Wala lang. Para lang hindi mo maramdaman na gumagalaw ang bangka kaya tumigil ako sa pagsagwan.
“Hmp! Ang corny mo, ha. Halika na nga!”
“Saan?”
“B-balik na tayo sa isla.”
“Ayoko pa.”
“Bakit?” Muli niya itong sinulyapan.
“Gusto pa kitang makasama.”
“J-Josh!”
“Birthday ko naman, pagbigyan mo na ako.”
“Pero—”
“Alam mo, ngayon ko lang naramdaman ito,” tila wala sa loob na wika ni Josh. Nagsimulang gumala sa kanyang mukha ang paningin nito.
“A-ang alin?”
“‘Yon bang pakiramdam na parang ayoko nang matapos ang sandaling kasama kita. ‘Yon bang parang gusto kong dito na lang tayo habang buhay.”
Corny, naisip ni Jean. Gusto rin niyang mainis dahil nagsisimula na itong magpalipad-hangin sa kanya.
Hmp! Sabi ko na nga ba, iisa ang motibo nang pagyayaya nito, naisip niya.
“J-Josh, hindi naman puwede ‘yon, eh,” wika na lang niya na muling nag-iwas nang tingin dito.
“Alam ko. Hindi naman ako bulag, eh. Kaya lang, ngayon lang talaga ako nakaranas nang ganito. Masyado kasi akong abala sa pagtatrabaho.”
Natigilan si Jean.
Abala sa pagtatrabaho? Saan? Sa pamamasukan bilang boy, tubero, at kung anu-ano pa?
“J-Josh, huwag mo sanang mamasamain ang pagtatanong ko, ha?”
“Hindi. Ano ba ‘yon?”
“Ah, b-bakit tubero at boy ang naging trabaho mo? A-ang ibig kong sabihin, may porma ka naman talaga. K-kahit sino ay hindi mag-iisip na ganoon lang ang trabahong nakuha mo.”
Ilang sandaling hindi kumibo ang binata. Nag-alala tuloy siya na baka na-offend ito.
“J-Josh…” Napilitan siyang muli itong lingunin. “O-okay lang kung ayaw mong sagutin ang—”
“Hindi, okay lang na sagutin ko.” Ngumiti ito at muling tumitig sa mukha niya. “Mahirap lang kasi ang mga magulang ko. Isang kayod isang tuka. Grade six lang ang natapos ko. Nagtrabaho na agad ako ng mabibigat. At dahil panganay ako sa limang magkakapatid, ako na ang inasahan ng mga magulang ko na makatulong sa kanila.”
Tumanaw sa malayo si Josh.
Napakagat-labi si Jean ngayong marinig ang kumpirmasyon na mahirap nga lang talaga ito kaya nagtitiis sa mahirap na trabaho.
“Kung saan-saan ako pumasok ng trabaho, kahit ano, basta kikita ng pera. Nag-aaral kasi ang mga kapatid ko. Nag-construction boy ako, nagpahinante sa pier, kung anu-ano pa.”
“B-bakit hindi mo naisipang… ang ibig kong sabihin, may porma ka naman. W-wala bang…” Hindi malaman ni Jean kung paano bibigkasin ang mga katagang iyon. “A-ang ibig kong sabihin, wala bang nag-alok sa iyo ng ibang trabaho na hindi lakas ng katawan ang gamit?”
“Anong ibig mong sabihin?” Bahagyang kumunot ang noo ni Josh at muling tumitig sa kanya.
“H-huwag kang magagalit, ha? Doon kasi sa tinitirhan namin, maraming kagaya mo na may porma rin naman. A-at doon sila nagtatrabaho sa… sa mga gay bar. M-macho dancer. A-ang ibig kong sabihin—”
“Mga lalaking pokpok?”
“O-oo.”
Napabuntong-hininga si Josh.
“Aaminin ko sa iyo, minsan ay natukso na rin akong pumasok sa ganoon. Pero hindi kaya ng sikmura ko. Isa pa, malakas pa naman ako. Makatapos lang ang mga kapatid ko, masaya na ako.”
Kahit ayaw ni Jean, nakadama siya ng paghanga sa prinsipyo nito sa buhay.
Dagdag na pagkaligalig sa kanyang puso ang paghangang iyon.
Pero kung alam lang niya ang totoo…
“Ikaw, kuwento ka naman ng tungkol sa iyo,” mayamaya ay wika nito.
“H-ha? Sige.”
Natagpuan niya ang sarili na nagkukuwento ng mga bagay-bagay tungkol sa kanya. Iyong totoo, walang halong pretention.
Isa siyang anak ng labandera, nakatapos ng sekondarya sa pamamagitan ng pagtitinda ng kamatis sa palengke, at sa tulong ng scholarship program ng pamahalaan ay nakatapos ng kursong HRM.
Pati ang pagkakaroon niya ng anim na kapatid na sa kanya na rin umaasa ngayon ay sinabi niya.
Pati ang ultimate dream niya na magkaasawa ng milyonaryo ay sinabi niya rito. Para ano pa ba ang pagkukunwari? After all, pareho lang naman sila ng kuwento ng buhay.
Itutuloy…
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento