Akala Ko Hindi Mo Pansin – Kabanata 7
“PERO bakit?” maang na tanong ni Francis habang kapwa sila nakasilip sa siwang ng venetian blind. Si Marco ay nakaupo sa swivel chair.
Naroon sila ni Josh sa opisina ng una at nag-iinuman.
“Wala lang. I just want to teach her a lesson, hindi ba? Gusto kong malaman niya na hindi natuturuan ang puso na huwag magmahal sa maling tao.” Madilim ang mukha ni Josh habang nakatanaw kay Jean na papasok na sa quraters ng mga empleyado ng resort.
“We already know that. Pero bakit pati sarili mo ay tinitikis mo?” wika ni Marco na tumayo na rin.
“We already know that. Pero bakit pati sarili mo ay tinitikis mo?” wika ni Marco na tumayo na rin.
“Come again?” kunot-noong tanong ng binata.
“Gusto mo rin siya, hindi ba?”
“Oo. Kaya nga napagtuunan ko siya ng pansin, eh. But it doesn’t mean na sisirain ko na rin ang patakaran ko na no commitments involve. Isa pa, sinabi ko na naman sa inyo na hindi ko naman siya iisahan. Hindi ko sisirain ang pagkababae niya.”
“Joshua Fuentebella, ang labo mo rin. Gusto mo siyang bigyan ng leksiyon na matuklasan niyang hindi natuturuan ang puso na magmahal sa maling tao, and yet, mas ikaw yata ang dapat turuan ng leksiyon dahil sa nakagawian mong pangwawasak ng puso ng may puso.”
“Marco, wala akong winawasak na puso. My women come and go, pero alam nila kung saan sila nakatayo sa buhay ko. And they’ll go for it.”
“At si Jean, alam ba niya kung saan siya nakatayo sa buhay mo? Hindi ba’t pinaasa mo siya, pinaringgan ng matatamis na salita, ng mga kuwentong nagpalusaw sa kanyang puso? Isa iyong panlilinlang, Joshua,” sabat ni Francis.
Natigilan ang binata.
“Yeah, maybe. Kailangan kasi, eh.”
Napailing na lang si Marco.
“Alam mo, parang nakikini-kinita ko na ang mangyayari sa iyo kapag nakauwi ka na sa condo unit mo sa Makati.”
“Ano ‘yon?”
“Sleepless night, habang nakaupo ka sa sofa at umiinom. O, kaya naman, nakatayo ka sa terrace mo at nakatanaw pagawi rito sa isla. And you know why? Because you miss her terribly.”
Natigilan si Joshua.
“At bakit mo naman nasabi ‘yan?”
“Dahil hindi kayang pasinungalingan ng mga labi mo ang sinasabi ng kislap ng mga mata mo sa tuwing tititigan mo siya, Joshua. You love her.”
“No. Ang pagtitig ko sa kanya ay bahagi lang nang pang-aakit ko sa kanya.”
“Really? Bahagi pa rin nang pang-aakit mo ang nababasa kong kislap ng mga mata mo ngayon habang tinatanaw siya?”
“Francis!”
“It takes one to know one, Pinsan. Ganyan din kung titigan namin ni Marco sina Aira at Maria Isabel.”
Natawa nang pagak si Joshua.
“At kailan pa kayo naging psychologist na may karapatang magbigay ng kahulugan sa titig ng isang tao?” natatawang tanong ng binata bagama’t naging mailap ang mga mata nito.
“Mula nang magmahal kami.”
Hindi nakakibo si Joshua.
MALAKAS ang ugong ng makina ng chopper habang umiikot ang elise niyon. May mga guest nang nagsasakayan habang ang ilan ay namimili pa ng mga native products na nilalako ng ilang kababaihan.
Bahagyang nakaawang ang bibig ni Jean habang natatanaw niyang humahakbang patungo sa chopper si Josh, bitbit ang isang bag na marahil ay damit ang mga laman.
Tama nga pala ang sinabi sa kanya ng guwardiyang si Monching, nag-resign na ang boy ng resort.
At ngayon, paalis na ito. Without saying goodbye to her.
At bakit naman niya aasahang magpapaalam sa kanya si Josh?
Pagkatapos nang ginawa niyang pag-iwas dito?
Gusto niyang humakbang pahabol dito, pero ano ang sasabihin niya.
Goodbye Josh, mahal kita, pero ayoko sa iyo, kasi hindi ka mayaman. Ayokong magdildil ng asin sa piling mo?
O kaya ay ito…
Huwag ka nang umalis, Josh, kasi mahal na kita, kahit mahirap ka lang. Nakahanda naman akong magdildil ng asin sa piling mo, basta magkasama lang tayo.
Napailing siya sa naisip.
Alinman sa mga iyon ang kanyang gawin, talo pa rin siya.
Hanggang nakarating na sa chopper si Josh ay hindi pa rin makagalaw si Jean.
Kapag tuluyang nakalayo sa kanya si Josh, saan pa ba niya ito hahanapin?
Maliban sa pangalan’ nito, sa kaalamang mahirap lang ito, wala na nga pala siyang alam sa ibang detalye ng pagkatao ng binata.
Ganoon siya nabaliw kay Josh, mahal na mahal na niya ito, and yet, hindi pa niya ito lubusang kilala.
Josh! Hanggang bumigay ang kanyang hibang na puso. Natagpuan niya ang sarili na humahakbang palabas ng hotel… upang habulin ang binata.
“Miss Del Sol, saan ho kayo pupunta?” tanong ng guwardiyang si Monching.
Ngunit sa halip na sagutin ito ay tuluy-tuloy na siyang lumabas patakbong palapit sa chopper.
“Josh!”
Natigilan sa pagsakay ng chopper si Joshua at napalingon. Kahit maingay ang ugong ng sasakyan ay narinig nito ang pagtawag niya.
“Jean!” Nagulat pa ang binata nang matanaw siyang tumatakbo palapit.
“Pinsan, ano ba? Alis na tayo!” wika ni Clint na siyang piloto ngayon dahil on-leave si Alex.
Natigilan si Josh, pagkuwa’y kinambatan nito ang pinsan na umalis na. “Balikan mo na lang ako!” pasigaw nitong wika.
Dahan-dahan nang tumaas ang chopper.
“JOSH…” bigkas ni Jean habang nakatayo sa harap ng binata.
“Jean, bakit?” mahinang tanong nito habang malamlam ang mga matang nakatitig sa kanya.
Magkaharap sila sa bahaging iyon ng dalampasigan at tila walang pakialam sa mga taong napapatingin sa kanila.
“P-paalis ka na pala, h-hindi ka man lang nagpaalam sa akin?” may kalakip na pagdaramdam na wika ni Jean.
“Kasi’y –”
“B-bakit mo ako iiwan?”
“Ha? Ah –”
“S-sabi mo, kapag naramdaman kong kaya kong ipagpalit ang pangarap ko sa iyo, sabihin ko lang. B-bakit aalis ka?”
Hindi pa rin makahagilap ng salita si Joshua.
Alam ng binata, sa mga sandaling iyon ay maaaring nakasilip sa kanya sina Marco at Francis. Tiyak na nakikita ng mga ito ang eksena nila ngayon ni Jean.
“Akala ko kasi’y… ayaw mo sa akin. Ilang gabi akong nag-aabang sa iyo sa dalampasigan. Alam ko naman na nakikita mo akong nakatingala sa bintana mo, hindi ba?”
“O-oo. K-kaya lang, hindi kasi ako makapagpasya kung isusuko ko ang pangarap ko. P-pero kagabi, bumaba ako, wala ka na.”
“Kasi’y –”
“S-sumuko ka na sa paghihintay sa akin?” Bahagyang pumiyok ang boses ni Jean, bahagya rin siyang napasibi at tila batang gustong umiyak.
Tila sinuntok ang dibdib ni Joshua sa nasaksihan. Kung dahil sa guilt, o sa anupaman, ewan ng binata. Ang alam nito, gusto nitong yakapin sa mga sandaling iyon si Jean, ikulong sa mga bisig at aluin habang hinahaplos ang mahabang buhok.
“Natatakot kasi akong lalong masaktan.” Damn you, Joshua Fuentebella! Ikaw mismo ay hindi na alam kung kailan ka nagsasabi ng totoo o hindi! asik nito sa sarili.
“J-Josh, huwag mo naman akong iwan, o.”
“Ha?” Na-off guard si Joshua.
“G-gusto kong makasama ka uling mamangka. K-kahit kasi umuuga ang bangka, pakiramdam ko ngayon ay hindi naman ako delikado basta ikaw ang kasama ko.”
“Jean…” Napabuntong-hininga ito.
“S-saka, masarap din naman sigurong kumain kahit… kahit asin at kamatis ang ulam, di ba? Isa pa, sanay na naman tayo sa ganoon, eh.”
Oh God! Tila pinipiga ang puso ni Joshua sa mga sandaling iyon.
Ito ang hindi napaghandaan ng binata. Ang malamlam na mga mata ni Jean na itititig sa kanya, ang mga katagang magbibigay ng assurance na wala na itong pakialam na maghirap sa piling niya.
“J-Josh, huwag mo naman akong iwan, o. K-kung gusto mo, sasama ako sa iyo kahit saan. K-kung ayaw mo na rito, bumalik na lang tayo sa Manila. D-doon tayo maghanap ng trabaho.” Tuluyan nang nalaglag ang mga luha ni Jean.
“Jean…” humakbang ang binata at niyakap siya. “Halika, huwag tayo rito mag-usap. Napapatingin na sa iyo ang mga guest, o.”
“W-wala akong pakialam sa kanila. B-basta sabihin mo lang na hindi mo na ako iiwan!” umiiyak na nagsiksik siya sa dibdib nito.
“Oo — oo, hindi kita iiwan. Halika na, doon tayo sa gawi roon, ha?”
“S-sige.”
Magkaakbay na naglakad sa dalampasigan ang dalawa.
Wala nang pakialam sa paligid si Jean. Ang mas hindi niya kakayanin ay ang malayo kay Josh.
Naiiling na nagkatinginan sina Marco at Francis. Mayamaya ay sabay silang napangiti at kapwa nag-appear, ang mga kamay. Pagkuwa’y umalis na sila sa pagkakasilip sa bintana.
“Akala yata ni Joshua, matatakasan niya ang pag-ibig ni Jean,” natatawang wika ni Marco.
“At akala din niya, matitiis niyang malayo sa babaeng iyon,” naiiling naman na wika ni Francis.
“SAAN tayo titira?” malambing na tanong ni Josh habang yakap si Jean.
Naroon sila sa isang kubling batuhan at nakaupo habang magkayakap.
“Bahala ka, kahit saan? Basta huwag mo na lang akong iiwan, ha?”
“Oo nga. Kaya lang, talaga bang kaya mong magtiis ng hirap sa piling ko?”
Bahagyang tumingala si Jean dito.
“Ano ka ba naman? Sinabi ko na sa iyo, hindi ba? Nakahanda akong magtiis, basta —”
“Oo na. O, sige, halikan mo na lang ako para maniwala na ako tagala,” malambing na hiling ng binata.
Napangiti si Jean.
“Oo ba.” Pagkawika niyon, siya na ang kusang umabot sa mukha nito upang maglapat ang mga labi nila.
Jean… Pakiwari ni Joshua, nawala na naman siya sa sarili ngayong yakap niya ang dalagang ambisyosa.
Josh, I love you… bulong ng puso ni Jean habang tuluyan na niyang pinahulagpos ang mga inihibisyon sa katawan.
She kissed him hard, she kissed him gently, she kissed him in a more passionate way para ipadama rito ang kahandaan niyang talikuran ang lahat, just to be with him all her life.
At hindi siya nabigo, naging mapusok ang paghalik ni Joshua sa kanya, mas marubdob, mas mapaghanap.
Ilang sandali nilang inibsan ang pananabik sa isa’t isa sa ilang araw na paninikis sa kanilang sarili.
“Balik ka na muna sa hotel,” mayamaya ay wika ni Joshua.
“Hindi ba’t oras pa ng trabaho mo?”
“O-oo. K-kaya lang, baka umalis ka na kapag –”
“Jean, ano ka ba naman? Hindi ako aalis, okay? At paano ako aalis, nakaalis na ang chopper?”
“O-oo nga, kaya lang –”
“Hindi ako aalis, hindi kita iiwan. Ngayon pa ba naman ako aalis, ngayong alam kong akin na ang pag-ibig mo?”
“T-talaga?”
“Oo. Mamayang gabi, hihintayin kita rito. Mamamangka tayo, ha?”
“Talaga?”
“Oo nga. Sige na, halika na.”
Magkahawak-kamay silang nagbalik sa hotel.
“SO, AT hindi pala nakaalis ang aming mapagkunwaring pinsan, ha?”
“Marco, Francis!” Nagulat pa si Josh nang malingunan ang dalawa na nakasunod pala sa kanya sa quarters nila.
“O, bakit nagulat ka? Ikaw talaga, nagdadrama ka pa na aalis, isang iyak lang sa iyo ng babae, nataranta ka na sa pagbaba ng chopper,” kantiyaw ni Marco.
“Pinsan, alam ko naman na nakita ninyo kami. Dapat nakita mong nag-iiyak siya kaya –”
“Joshua, sino bang niloloko mo? Ilang babae na ba ang naghabol sa iyo na umiiyak? Pinansin mo ba? Hindi ba’t sorry na lang ang iniiwan mong salita sa kanila?”
“Francis –”
“O, magsinungaling ka pa. Lalo ka lang nababaon.”
Napakamot na lang sa ulo si Joshua.
“Kailan ang kasal, ha?”
“Marco –”
“Sinabi mo na ba sa kanya na hindi ka naman totoong boy dito?”
“Of course not! At bakit ko gagawin ‘yon?”
“Para lalo ka niyang mahalin.”
“No! I can’t do that. Kahit na ano pa ang sabihin ninyo, hindi pa rin ako sigurado.”
“Hindi ka sigurado sa kanya, o hindi ka sigurado sa sarili mo?”
“Pareho. Kaya puwede ba, wala munang bukuhan.”
“Sure. O!”
Nasalo ni Joshua ang inihagis ni Francis.
“Susi ng yate. Doon ka na lang mag-stay. Para naman kahit paano ay maalwan kang kumilos. Dito sa quarters ay nagtitiis ka nang walang aircon, hindi ba?”
“Oo nga, eh.” Minsan pang napakamot sa ulo si Joshua.
Itutuloy….
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento