Akala Ko Hindi Mo Pansin – Kabanata 4
“Nagigising na siya,” wika ng isang tinig.
“Ate Jean!”
Nagmulat ng mga mata si Jean.
“Y-Yvonne?” Nag-uulap pa rin ang kanyang paningin.
“O-oo, Ate Jean, ako ito. Kumusta ka na?” Marahan nitong hinaplos ang pisngi niya.
“M-masakit ang ulo ko. A-anong nangyari?” Napalingap siya sa paligid.
May kasama pala silang tatlong unipormadong pulis, may isang doktor at isang nurse din. Naroon si Marco at Francis, nakikipag-usap sa mga pulis.
“N-nahuli na ang serial killer-maniac na iyon, Ate Jean,” naiiyak na wika ni Yvonne.
“T-talaga? P-paano? Hindi ba’t—”
“B-bago ka pa niya nalaslas sa leeg, may mamang pumalo sa kanyang ulo. Nabuwal siya pero buhay pa. Nasalo ka ng mama at matapos ka niyang ilapag sa lupa ay ako naman ang pinawalan niya.”
“S-sinong mama ‘yon?”
“Ewan ko, narinig ko lang na tinatawag nila ito ng Josh. Tapos ay itinali niya si Steven at humingi siya ng tulong kaya nahuli na ang gagong iyon.”
“God!” Muli siyang kinilabutan sa isiping muntik na siya sa kamay ng killer na iyon. “Bakit naman kasi sumama ka sa kanyang pumasok sa loob ng kasukalan?” Pahinamad na naupo siya sa kama habang pasulyap-sulyap sa gawi nina Francis.
“K-kasi, akala ko mabait siya. Pinakyaw kasi niya ang tinda kong kuwintas kahapon. Tapos, binigyan niya ako ng malaking tip. Iuuwi daw niya sa kanilang bansa ang mga iyon at susubukang ibenta.”
“Kahapon pa pala, bakit hanggang kanina ay magkasama kayo?”
“K-kasi, gusto niyang magkuwentuhan kami sandali sa batuhan. Marami raw siyang ikukuwento sa akin na inspiring success stories. Iyon bang kagaya ko na mahirap lang, tapos ay biglang umasenso. Akala ko talaga, mabait siya. Tapos, noong nag-uusap na kami sa batuhan, bigla siyang nagyaya na maglakad-lakad daw kami habang nagkukuwentuhan,” pahikbing wika ni Yvonne
“Susme! Bakit ka naman nagtiwala agad?”
“Akala ko kasi’y sa malapit lang kami maglalakad-lakad. Nang makubli na kami sa karamihan ay bigla niya akong tinutukan ng labaha at hinawakan sa kamay. Hindi na ako nakapalag sa takot nang hilahin niya sa loob ng kasukalan.”
Napailing na lang si Jean sa kainosentihan ni Yvonne. Gayunpaman, hindi rin niya ito masisi.
Kahit naman siya ang niyaya ni Steven at hindi pa niya alam na masamang tao ito, tiyak na pauunlakan niya ang lalaki.
“O, okay ka na ba, Jean?” kaswal na tanong ni Marco na palapit sa kanila.
“O-oho, Sir! S-salamat nga ho pala sa—”
“Huwag ka sa akin magpasalamat, kay Josh. Siya ang pumukpok sa ulo ng killer na iyon kaya hindi ka nalaslas sa leeg.”
“J-Josh ho? Sinong—”
“Iyong bago nating boy at maintenance dito sa resort. Naisipan ka raw niyang sundan nang mapansin niyang parang may hinahabol ka sa kasukalan. Mabuti na lang at dumating siya sa tamang oras.”
Si Josh Montemayor! Siya ang tumulong sa akin! Hindi siya makapaniwala sa narinig, at the same time, tila may mahiwagang damdamin na sumikdo sa kanyang dibdib sa isiping iyon.
“N-nasaan ho siya? M-magpapasalamat ho ako sa kanya.”
“Ah, baka nagbalik na sa quarters nila. Anyway, bukas ka na lang magpasalamat sa kanya. O, aalis na kami. Kakausapin ka raw muna nina Sarhento para sa report nila tungkol kay Steven Edward.”
“O-oho.”
Pero kahit kausap na niya ang mga pulis na nag-iimbestiga, si Josh Montemayor pa rin ang nasa utak niya.
Nakakahiya talaga ang mga inasal ko sa kanya noon. Ang suplada ko sa kanya, iyon pala ay siya ang taong magsasalba sa buhay ko.
“SO, ngayong tapos na ang misyon mo rito sa isla, babalik ka na ba sa Manila?” kaswal na tanong ni Francis habang nagsasalin ito ng alak sa tatlong kopita
“Nope!” pahinamad na tugon ni Josh habang nakataas ang mga paa sa ibabaw ng mesa at nilalaru-laro sa kamay ang kopita nitong may laman pang alak.
“Ah, gusto mo pa ring magbakasyon dito sa isla? Sabagay ay kailangan mo rin nga ng relaxation. Siguradong pagdating mo sa Manila ay —”
“Gusto kong ituloy ang pagtatrabaho rito sa resort bilang boy at maintenance.”
“What?” Napalingon si Marco dito. “At ano namang kabalbalan ‘yang tumatakbo sa utak mo?”
“Well, masarap palang magtrabaho rito bilang boy. Maraming tsika babes na nagpapa-tsarming sa akin.”
“Really? Baka naman may napagtutuunan ka na ng pansin sa mga babaeng narito?” biro ni Francis.
“Well, of course.”
“Huhulaan ko. Si Jean Del Sol, hindi ba?” hula ni Marco.
“Yap! Ang galing mo, ah! How did you know?”
“Kaya nga nailigtas mo siya sa kamay ni Steven, dahil all eyes ka sa kanya bukod pa sa pagtutok mo sa killer-maniac na iyon, hindi ba?”
“Yeah! She’s beautiful, smart and —”
“And an ambitious young lady. Hindi ka papasa sa kanya, Josh. Common knowledge sa mga kasamahan niya rito ang pagiging ambisyosa niya. Kaya nga kahit type siya ng mga kasamahan niya rito, nobody dares to court her. Well, friends, okay lang sa kanya. Mabait siya sa mga ito. Pero kapag dinidiskartehan na siya, no way! Nambabara siya.”
“Ah, fortune-hunter, ha? I really hate that kind of women, you know. Kaya nga hindi ako nagpapatali sa mga nagiging girlfrierid ko, dahil nahahalata kong hindi lang sila after kung sino ako, kundi sa mamanahin ‘ko rin. Anyway, alam ko naman kung gaano siya kataray. Ilang beses na ba niya akong nabiktima. Pero maraming paraan sa pagpapaamo ng kagaya niya, Marco.”
“Don’t dare to do that, Josh. Kung hindi ka rin lang seryoso sa kanva, spare her. Mahusay siyang empleyado ng resort. Katunayan ay inirekomenda na siya ni Denise na ma-promote bago pa umalis
“Don’t worry, Francis, hindi ko naman siya iisahan, eh. Tuturuan ko lang siya ng leksiyon. She should know na ang pag-ibig ay hindi namimili, lalong hindi nakakaiwas kapag pumasok sa puso.”
“Hah! Kung magsalita ka, para bang expert ka na sa love, ha? If I know, wala sa bokabularyo mo ang love.”
“Pinsan, alam ko ang kahulugan ng love. Kagaya nang nangyari sa inyo ni Francis, ni Charles. But as of now, ayoko pang ma-in-love. Tama na muna sa akin ang mga fling. No commitments involve.”
“Bahala ka na nga.”
“Thanks. Basta ako pa rin ang bagong boy dito, ha?”
“Sure. Pero ikaw rin, kailangan mo pang maghirap sa pamamalagi rito. Baka hindi ka makatagal.”
“Don’t worry, nakasanayan ko na rin ang magtrabaho rito. And I enjoy every minute of it. Basta huwag lang ninyong i-re-reveal ang tunay kong pagkatao hangga’t wala akong go-signal, okay?”
“Sure!” sabay na wika nina Francis at Marco. “At sana’y hindi ikaw ang mahulog sa sarili mong patibong, Josh.”
Malakas na halakhak lang ang tugon ng binata.
“That will not happen to me!”
“Okay, sinabi mo, eh. Pero tumawag nga pala sa akin si Tita Cassey. She ask me kung narito ka pa raw ba? I said yes. Kinukulit daw kasi siva ni Sylvi kung nasaan ka.”
“Ha? Ano raw ang sabi niya?”
“Well, alam naman ni Tita na may hawak kang kaso, kaya sabi raw niya ay wala ka at nasa ibang bansa. Pero para daw ayaw maniwala.”
“Oh no!” Napatutop sa noo si Josh.
Sylvi is his current girlfriend, or let us say na current fling. Isang sikat na fashion model and at the same time ay anak ng isang business tycoon na kilala sa bansa. At kaya iniiwasan na sana niya ang babae ay dahil nararamdaman niya na gusto na siyang sakalin nito.
Demanding sa oras niya, selosa, nagger at higit sa lahat, may pagkakataong may kalakip na pagbabanta ang tinig nito kapag napag-uusapan ang salitang hiwalayan.
“So, paano mo aayusin ‘yan? Baka mamaya ay biglang sumugod dito ang babaeng ‘yon?”
Saglit ha nag-isip si Josh.
“Okay, I’ll call her gamit ang cellphone ko. Sasabihin kong nasa Amerika ako, o kahit na saang bansa. Pangangakuan ko na lang na uuwian ko siya ng pasalubong para mapanatag.”
“Do that. Baka mag-eskandalo rito ang babaeng iyon.”
“Yeah!” Pero hindi pa man, nag-aalala na si Josh. Baka hindi kumagat sa plano niya ang babae.
ABALA si Josh sa pagtatali ng bangka sa isang nakausling kahoy sa dalampasigan. Abala rin si Jean sa pag-aaral sa anyo nito habang hindi pa siya napapansin nito na papalapit.
Well, talagang macho siya. No wonder isang palo lang niya kay Steven ay tumba na ang gagong iyon. Parang hindi na rin niya nakikita na pantalong sira sa tuhod at sandong hakab sa katawan ang suot nito.
“J-Josh…” tawag niya rito nang makalapit na.
Dahan-dahan itong lumingon.
“O, Jean, ikaw pala? Kumusta ka na?” Pagdaka ay simpatikong ngiti ang sumungaw sa mga labi nito.
“Ah, o-okay na. G-gusto ko lang magpasalamat sa iyo sa nagawa mo kagabi. Kung nagkataon ay patay na sana ako ngayon.”
“Wala ‘yon. Nagtaka lang kasi ako kung bakit ganoon ang reaksiyon mo habang hinahabol ‘yong dalawang papasok sa kadawagan. Kaya naman naisip kong sundan ka. Buti na lang, kung nagkataon ay nalaslas na ng gagong iyon ang makinis mong leeg.” Saka ito sumulyap sa gawi ng leeg ni Jean.
Gayunpaman, hindi nakalampas sa paningin niya na padaplis ding dumaan sa gawi ng malusog niyang dibdib ang paningin nito.
Pero sa halip na mainis, lihim na lang siyang napailing.
Pilyo talaga ang lokong ito, naisip niya saka siya napangiti.
“B-buti alam mo na ang pangalan ko.”
“Oo naman, sinabi ni Yvonne, ‘yong dalagitang nakatali sa puno.” Humakbang na ito palapit sa kanya. “Kumusta? May masakit ba sa iyo?”
Napatitig siya sa mukha ng binata. Dama niya ang kalakip na pag-aalala sa tinig nito.
“W-wala naman. Okay na ako talaga. Paano, salamat na lang, ha? Babalik na ako sa hotel.”
“W-wala naman. Okay na ako talaga. Paano, salamat na lang, ha? Babalik na ako sa hotel.”
“Sige.” Bahagyang napalis ang ngiti sa mga labi nito.
Tumalikod na siya at humakbang palayo rito.
Pero bakit may pakiramdam siyang ayaw pa niyang matigil ang pakikipag-usap dito?
Bakit parang gusto niyang kulitin siya nito na mag-usap pa sila?
ILANG araw na ang nakararaan mula nang mangyari iyon, pero pakiramdam ni Jean, may bahagi ng kanyang pagkatao ang nanlumo.
Dati ay naghahanap ang mga mata niya ng lalaking posibleng maging daan sa katuparan ng kanyang mga pangarap, pero ngayon, tila hindi na mahalaga sa kanya iyon.
Tapos na ang leave niya kaya naman balik-trabaho na naman siya. And this time, mas seryoso siya sa pagtatrabaho.
At dahil na rin sa pangako ni Denise na mapo-promote siya, bukod pa sa kahit paano ay nakatulong siya sa pagkakadakip ng killer-maniac na nakapasok sa resort, nataas na ang posisyon ng dalaga kasabay ng umento sa sahod na thirty percent.
Isang malaking konsolasyon na iyon para sa dalaga.
Mag-iipon na lang ako. Baka sakaling iyon pa ang maging daan para naman umasenso ako, naisip niya. Sabagay, kung darating ang inaasam kong prince charming na hahango sa akin sa pagka-cinderella ko, hindi ko kailangang maghanap at gumawa ng paraan.
“Uy, seryoso siya,” pabulong na biro ni Malou, kasamahan niya dati na receptionist, ngayon ay siya na ang over-all supervisor ng mga chambermaid.
“Ha? Ah, may iniisip lang ako.”
“Talaga? Ano kaya iyon?”
“Wala lang, naisip ko lang na panahon na talaga para magseryoso ako sa trabaho. Baka sakaling tumaas uli ang ranggo ko,” pabirong wika niya rito.
“Uy, inspirado dahil na-promote.”
“Siyempre naman. Teka nga pala, bakit ba narito ka? Inaabala mo naman ako, eh. Saan ka ba naka-assign?”
“Sa lobby. Pero may nagpapaabot kasi sa iyo nitong maliit na papel.”
“Ha?” Nagulat pa siya nang ilagay nito sa palad niya ang isang nakatuping papel. “Kanino galing ito?”
“Ewan ko. Iniabot lang sa akin ni Monching, iyong guard na nakatalaga sa main entrance. May nakikisuyo raw na ibigay sa iyo.”
“Ganoon?” Nagtatakang sinipat niya ang nakatuping papel na naka-stapler pa. “Ano kaya ito?”
“Ewan ko. O, sige, punta na ako sa puwesto ko.”
“Sige.” Kunot-noong inalis niya ang pagkaka-stapler niyon.
“Birthday ko ngayon, baka naman puwedeng maimbitahan kang kumain mamaya kapag off ka na? Doon lang sa ihawan ng barbeque sa labas. Please…? — Josh…”
Apat na letra lang ang pangalang nakalagda, pero tila may ginising na kung ano sa dibdib ni Jean ang munting paanyaya na iyon.
Josh, bakit ba kasi bigla kang dumating sa buhay ko? Bahagyang lumamlam ang mga mata niya at wala sa loob na napatingin sa labas ng dingding na salamin ng hotel.
He was there, nakatanaw sa kanya, bahagya pang kumaway kasabay ng isang simpatikong ngiti.
Simple lang ang dapat niyang gawin, irapan ito at itapon sa kalapit na trash can ang maliit na papel.
Baka akala ng lalaking iyon, komo nailigtas siya sa killer-maniac na si Steven, okay na sa kanya na makipaglapit dito.
Pero bahagya siyang ngumiti kasabay nang marahang pagtango.
Kitang-kita niya nang lumuwang ang ngiti sa mga labi ng binata saka napasuntok sa hangin.
Itutuloy….
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento