Akala Ko Hindi Mo Pansin – Kabanata 2
SHIT! Nakuyom ni Joshua ang kamao habang nakasilip sa binocular.
Naroon siya sa The Iron Eagle Yatch at kasalukuyang minamanmanan ang kanyang target na subaybayan. Hindi niya alani ang panganib na kanyang hinaharap sa pakikipaglapit sa lalaking iyon!
At ewan kung bakit, kumukulo ang dibdib ni Joshua sa isiping halatang nagpi-flirt ang babaeng kausap nito kay Steven Edward.
I have to do something. Baka malingat lang ako ay malaslas na ang leeg ng babaeng iyon.
Sukat sa isiping iyon, bumaba ng yate ang binata at lumipat sa bangkang nakatali sa gilid niyon.
Pagkuwa’y sumagwan siya upang makadaong sa pampang.
Habang palapit siya sa dalampasigan, palapit naman siya nang palapit kay Steven at sa babaeng kausap nito.
He’s eyes focus to that familiar face na kahapon ay umagaw ng kanyang atensiyon hindi lang dahil sa taglay niyong ganda, kundi dahil sa pabagu-bagong reaksiyon na naging dahilan kaya nilapitan niya ito. Naisip nga niya kahapon, sayang naman ang babaeng iyon, luka-luka yata.
Pero ngayon, hindi na siya nanghihinayang, nag-aalala na siyang talaga. Lalo na at natanaw niyang tumayo na si Steven at magalang na inilahad ang palad sa babae.
Nakangiting tinanggap naman iyon ng babae at sabay na silang naglakad patungo sa hotel.
Shit! Paano ako lalapit sa babaeng iyon na hindi makakahalata?
“AH, SI Jean Del Sol?” wika ni Marco nang makita ang babaeng kausap ni Steven. “Regular employee siya ng resort natin. Nasa bakasyon lang siya ngayon kaya gagala-gala. So, anong problema sa kanya?”
“Hindi mo ba nakikita, masyado siyang malapit kay Steven? Bawat sandaling mamalagi siya sa tabi nito ay nalalagay sa panganib ang kanyang buhay.”
“Joshua, relax. Kaya ka nga nakasubaybay sa german na ‘yan, dahil sa dala niyang panganib sa resort, hindi ba? Aba, mahina kang detective kapag nakalusot sa iyo ang isang ‘yan.”
“Marco, napakadulas ng hayup na iyon. Ilang beses na siyang nakakalusot sa mga pulis na nagbabantay sa kanya noong nasa Boracay siya. Ilang babae ang natagpuang patay ngunit hindi man lang nahuli sa actual ang gagong ‘yon. Iyon ang ikinatatakot kong mangyari sa Jean Del Sol na ‘yon.”
Natigilan si Marco.
“Kung kausapin ko si Jean? After all, she’s our employee.”
“You do that?”
“Of course. Para rin naman sa kanya ‘yon, eh.”
Ilang sandaling nag-isip si Joshua.
“Paano kung hindi siya makinig sa iyo?”
“Kailangan niyang makinig.”
“Paano kung sabihin niya kay Steven na may nagmamanman dito?”
“Hindi niya gagawin iyon. Natural na nasa management pa rin ang kanyang loyalty.”
Muling nag-isip si Joshua.
“Sige, kausapin mo siya.”
“SIR?” Nanlaki ang mga mata ni Jean nang malaman ang bagay na iyon.
“Yeah, kaya para rin sa kaligtasan mo, you have to stay away from that german national. Under surveillance ang lalaking iyon dahil sa ilang ulit na pagpatay sa mga babaeng nakikilala niya sa mga beaches na pinupuntahan. Napakatinik lang kaya hindi nahuhuli,” kaswal na wika ni Marco. “Actually, mas prefered niya ang mga dalagita. Medyo may pagka-pedophile siya. Pero dahil siguro nagkakilala kayo, kaya napunta sa iyo ang kanyang atensiyon.”
Nanlumo si Jean. Akala pa naman niya ay makaka-hook na siya ng matabang isda.
“Oh, God! Hindi ko alam!” Kilabot na kilabot siya sa isiping maling lalaki pala ang namataan niya.
“So, didistansiya ka na sa kanya mula ngayon?”
“O-oho,” nakayuko ang ulong tumango na lang siya.
“Good!”
“Sir, paano nga ho pala kung siya ang lumapit? I mean, kung magtaka kung bakit ako umiiwas at sundan-sundan ako?”
“Lumayo ka at huwag na lang siyang pansinin. Ibig sabihin kapag kinulit ka niya ay talagang ikaw na ang naiispatan niya na biktimahin. At siguradong magsasawa iyon kapag umiiwas ka na at maghahanap na lang ng bagong mabibiktima.”
“Sige ho.”
“Good! So, confidential ang usapan nating ito, ha? Hindi mo babanggitin sa kanya na may mga matang nakasubaybay sa kanya habang nagbabakasyon siya dito sa resort?”
“Oho naman.”
“Good.”
Nang makaalis na si Marco, natulala na lang sa kawalan ang dalaga.
Hmp! Wala pa yata talaga akong swerte na makatagpo ng lalaking hahango sa akin sa kahirapan, himutok niya.
Nagkulong na lang si Jean sa kuwarto niya maghapon. Malapit nang dumilim ng may kumatok sa pinto.
“Sandali!”
Para lang magulat nang mapagbuksan niya ang isang lalaking akala niya ay hindi na muling makikita.
“Good afternoon, Ma’am, titingnan ko po ang tubo ng banyo at shower ninyo,” nakangiting wika nito.
“H-ha? Bakit?” nakataas pagdaka ang kilay na tanong niya.
Mabilis na humagod sa kabuuan nito ang kanyang tingin.
Kagaya noong isang araw, sandong puti na hakab sa katawan ang suot nito. Pantalong maong na kupas at may sira sa tuhod.
Pero ewan ba niya, bakit hindi nakabawas iyon sa taglay na karisma ng lalaking ito.
“Ah, ako ho ang bagong tubero rito, utility man at puwede na ring boy. Iniutos ho sa akin ni Mr. Marco Fuentebella na i-check ang lahat ng tubo at wire ng bawat kuwarto.”
“Pero wala namang diprensiya ang mga tubo rito at —”
“Check-up lang ho talaga. Baka raw ho kasi may mga kalawang na o leak ang tubo. Sa ibang suite ho kasi ay mahina raw ang akyat ng tubig.”
Hindi niya gusto ang ideyang papasok sa silid niya ang lalaking ito, lalo na ang isiping isa lang pala talaga itong boy, tubero, mahirap na tao, pero ano ba ang choice niya? Order pala iyon ng amo.
“S-sige, pumasok ka.” Niluwangan niya ang bukas ng pinto at bahagyang umiwas sa daraanan nito.
“Salamat ho.”
Pero hindi sapat iyon para hindi niya malanghap ang mabangong sabon na ginamit nito.
Bagong paligo ito, for sure. Pero walang ginamit na anumang mamahaling pabango. And yet, parang ang sarap nitong langhapin.
Pinigil niya sarili na mapapikit.
“Ah, Ma’am, saan ho ang banyo?” biglang baling nito sa kanya.
“H-ha? Ah, that door!” Biglang tumaas ang kilay niya. Bigla kasi siyang nag-alala na baka nakita nito na namumungay na ang kanyang mga mata dahil sa nalanghap ang bango at lalaking-lalaki nitong amoy.
“Ah, salamat ho.” Humakbang na ito patungo roon. Nanatili naman siyang nakatayo sa may pinto at sinadyang huwag isara iyon.
Hah! Baka mamaya ay maloko pala ang isang ito at kapag isinara ko ang pinto ko ay kung ano ang maisipang gawin sa akin. Nakataas pa rin ang kilay na humalukipkip siya at sumandal sa gilid ng pinto.
Natatanaw niyang nasa loob ng banyo ang lalaki, may kinakalikot, may mga gamit na tumutunog, pero wala siyang pakialam.
Boy lang siya, tubero, hmp! Sayang talaga! bulong ng kanyang isip.
Pero nasulyapan niya ang mamasel nitong braso na bahagyang natatanaw buhat sa pinto.
Oh my! Ang macho talaga niya! Parang ang sarap yumakap. Bigla niyang naipilig ang ulo. How dare you, Jean Del Sol! Para ka namang hindi nakakakita at nakakaharap ng macho.
Ilang sandali pa ang lumipas, naiinip na siya at nangangawit.
“Matagal pa ba ‘yan?”
Bahagyang isinungaw ng lalaki ang pawisan nitong mukha.
“Sandali na lang, Ma’am.” Muli itong nawala. “Okay na, Ma’am.” Mayamaya ay lumabas na bitbit ang tool box na kinalalagyan ng kung anu-anong kagamitan.
“Okay.” Nakahalukipkip pa rin siya at hindi nag-abalang sulyapan ito sa mukha.
“Ah, Ma’am, hindi ba ikaw ‘yong babaeng nasa dalampasigan noong isang araw?”
“Ha?” Napatingin siya rito.
Muli ay nakita niya ang ngiting iyon. Parang gusto yata niyang ma-mesmerized.
“Mas maganda ka pala sa malapitan. Baka naman puwedeng makipagkilala sa iyo?”
“Ano?” Lalong nanlaki ang mga mata niyang nakatitig sa mukha nito.
“Ako nga pala si Josh Montemayor. Anong pangalan mo?” Inilahad pa nito ang palad sa kanya.
Maang na napatitig siya sa mukha nito, pagkuwa’y sa nakalahad na palad.
Malaki ang palad nito, mahahaba ang daliri, pero kahit maputi iyon, bigla siyang nandiri nang makitang may itim-itim na animo grasang nakakapit doon.
Oh, how dare this man para makipagkilala sa kanya!
“Puwede ba, kung tapos ka na sa ginagawa mo, lumabas ka na sa kuwarto ko?” nakataas ang kilay na wika niya.
“Ha?”
“At puwede ba, hindi ako nakikipagkilala kahit kanino, ano?”
Ilang sandaling napatitig sa mukha niya ang lalaki, mayamaya ay napalis na ang ngiti sa mga labi nito.
“Ang suplada mo naman. Komo ba boy at tubero lang ako, ganyan ka na?”
“Puwede ba? Huwag mo akong piliting bastusin ka, ha? Lumabas ka na!”
“Sige.” Malungkot itong humakbang palabas., “Pero alam mo, sayang ka.. Ang ganda mo nga, namimili ka naman ng mga taong kakausapin mo nang matino,” wika nito bago tuluyang lumabas.
“Ano?”
“Pero kung minsan, walang pinatutunguhang maganda ang ganyan. Baka mapahamak ka.”
“Aba’t —”
Ngunit tuluyan na itong humakbang palayo.
“Tse!” Pabalabag niyang inilapat pasara ang pinto.
Ang hudyong ‘yon! Akala mo’y kung sinong mangaral. Bakit, dapat ba akong makipagkamay sa kanya gayung ang dungis ng kamay niya!
Nagdadabog pa rin na pumasok na lang siya sa banyo para mag-shower. That way baka maalis ang init ng kanyang ulo.
Itutuloy….
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento