Miyerkules, Setyembre 7, 2011

Akala Ko Hindi Mo Pansin – Kabanata 9


Akala Ko Hindi Mo Pansin – Kabanata 9

PERO kahit na gaano pa sila kasaya, darating at darating ang sandaling haharapin nila ang katotohanan.
“Tapos na ang leave mo, pinababalik na rin ako ni Sir Marco sa Isla. Katatawag lang niya sa radyo kanina. Paano na ito?” pabuntong-hiningang tanong ni Joshua habang magkayakap silang nakahiga sa kama.
Napataas ang ulo ni Jean at bahagyang tinitigan ang mukha ng binata.
“Anong paano?”

“Ang ibig kong sabihin, kailangan ko na talagang bumalik sa Manila.”
“H-ha?” tuluyang napabangon ang dalaga. “A-akala ko ba’y hindi mo ako iiwan?” May lumakip na pagdaramdam sa tinig niya.
“Oo. Kaya lang, kailangan kong umuwi muna sa Manila dahil may mga aasikasuhin akong mahalagang bagay. Pero babalikan kita.”
“Josh…” Napahikbi siya. Kahit nangangako ito na babalikan siya, still, ayaw maniwala ng kanyang puso.
“Jean, makinig ka. Babalikan kita. May aasikasuhin lang ako.”
“Sasama ako.”
“Ha? Paano ang trabaho mo rito?”
“Bahala na. Itutuloy ko na lang ang leave ko.”
“Jean, hindi puwede. Baka matanggal ka na.”
“Kahit na.”
Ilang saglit na natitigan ni Joshua ang mukha niya.
“Bakit, iniisip mo bang hindi kita babalikan?”
“H-hindi sa ganoon. Kaya lang, mami-miss kita.”
“Tatlo o apat na araw lang akong mawawala. Sa palagay mo ba’y hindi kita mami-miss?”
“Pero –
“Jean, ayoko ring malayo sa iyo. Kaya lang, kailangan nating maging practical. Kailangan mo ang trabaho mo rito, hindi ba? At ako man ay ganoon din. Babalik ako.”
Napasibi si Jean.
“Hey, huwag kang ganyan! Mahihirapan din ang kalooban ko kapag maiisip kong ganyan ka rito.”
“K-kailan ka ba aalis?”
“Bukas din. Ikaw naman ay mag-report na sa trabaho mo. Makikita mo, malilibang ka. Ilang araw lang ay narito na ako.”
“Hmp!” Padabog na tinalikuran ni Jean ang binata.
“Jean…” Masuyo siyang niyakap ni Joshua. Kung nagkataong ibang babae ang kasama nito, never itong nanuyo kapag tinotoyo ang babae. “Unawain mo naman ako, o. Mahalaga talaga ang luluwasin ko sa Manila.” Maliliit na halik sa kanyang balikat ang iginawad nito. “Pero pangako, kapag bumalik ako ay hinding-hindi na ako aalis.”
“T-talaga?” Nagmamaktol pa rin na hinarap niya ito.
“Oo.”
Napahikbi siya.
“O, iiyak pa. Halika nga.” Pagkawika niyon ay inangkin nito ang mga labi niya, kasunod ay isang mainit na pagniniig ang kanilang pinagsaluhan.
Pakiwari ni Jean, inubos na rin ni Josh ang lahat ng lakas at pananabik sa kanya. Madaling-araw na siyang pinatulog ng binata.
LUMILIWANAG pa lang sa dakong-silangan ay padaong na sa pampang ang bangkang sinasakyan nina Jean at Joshua.
Kailangang walang makakita sa kanila.
Pagkadaong ng bangka sa kubling batuhan ay masuyo nitong inalalayan sa pagbaba ang dalaga.
“O, paano, dito na muna tayo maghihiwalay, ha?” masuyong wika ni Joshua.
“O-oo. T-talaga bang aalis ka na mamaya?”
“Oo. Huwag ka nang umiyak, babalik ako agad
“S-sige, alis na ako. Baka may makakita pa sa atin.”
“Sandali!” Isang maalab na halik ang iniwan ni Joshua sa kanya.
Mabibigat ang hakbang na nagpauna nang bumalik sa hotel si Jean.
“Oy, Jean, buti’t dumating ka na. Tapos na ang leave mo, hindi ba?” wika ni Malou na nakasalubong niya sa lobby.
“Oo, bakit?”‘
“Naku, may mga bagong dating na guest, ang tataray at mga sosyal. Inirereklamo ang mga hawak mong chambermaid dahil ang tatanga raw.”
“Ha? Bakit?”
“Ewan ko ba? Mabuti pa, mag-report ka na kay Sir Francis. Mainit ang ulo dahil hindi alam kung sino ang sisisihin.”
Bigla siyang kinabahan, pero saglit lang iyon at umiral ang pagiging stubborn niya.
Bakit naka-leave naman ako, ah. Hindi ako puwedeng madamay. Mamaya na lang ako magre-report kay Sir Francis.
MALAYO pa lang si Jean ay tanaw na niya ang mga kasamahan na nakahilera habang palakad-lakad sa harapan ng mga ito si Francis na tila nanenermon.
Oh no! Ano kaya talaga ang problema? Bigla siyang kinabahan.
Noon naman napatingin sa kanya si Francis.
“Miss Del Sol tapos na ba ang leave mo?” kaswal nitong tanong, hindi galit, pero hindi naman nakangiti.
“O-oho, Sir Francis, nakapag-report na ho ako sa administration office. M-may problema ho ba?”
“Mag-conduct ka ng meeting sa mga tao mo. Kunin mo mamaya sa akin ang memorandum. May isang grupo ng mga guest na nagreklamo. Inefficient daw masyado ang serbisyo ng mga chambermaid. Hindi maayos ang mga kobrekama, kulang sa supply ng mga sabon at shampoo sa banyo. Bukod doon, hindi agad naglalagay ng towel sa banyo. At marami pa silang reklamo. Inaasahan kong maaayos mo ang lahat ng ‘yan kapag na-meeting mo na sila, okay?”
“Y-yes Sir,” kinakabahan man ay nagawa niyang itugon.
“Good! Siyanga pala, kumusta ang bakasyon mo?” May bahagyang ngiti sa mga labi ni Francis.
“S-Sir?” Kaya nakadama siya ng pagtataka.
“I mean, nakabawi ka ba sa pagod mo noong mga nakaraang araw?”
“O-oho.”
“Good! Ikaw na ang bahala sa kanila, ha?”
“Y-yes, Sir.”
Nang tumalikod na si Francis ay hinarap naman niya ang may dalawampung chambermaid na nasa supervision niya.
“Ano ba talagang problema?”
“Ma’am, hindi naman ho totoo ang sinasabi ng grupong iyon, eh. Sinisiguro namin na kumpleto ang mga supply kapag nalinis na namin ang mga kuwartong paglalagyan sa mga guest,” paliwanag ng isa.
“Oho nga, Ma’am. May isa lang hong banyo na walang shampoo pero sigurado akong nalagyan ko ‘yon. Tingin ko ho ay tini-trip lang kami ng grupong iyon dahil natarayan ko ‘yong isa sa kanila.”
“At bakit mo naman tinarayan?”
“Kasi ba naman, may hinahanap na lalaki, Joshua Fuentebella raw ang pangalan. Isa sa anak ng may-ari ng resort. Sabi ko, hindi ko kilala. Nagalit. Imposible raw na hindi ko kilala gayung amo ko. Aba, tinaray-tarayan na ako. Siyempre sinagot ko. Lalong nagalit. Sisiguruhin daw niya na matatanggal ako,” wika ni Sonia, ang pinakamatagal na roong chambermaid.
“Joshua Fuentebella? Wala namang nagpupunta rito na ganyang pangalan, ah.”
“Oho nga Ma’am. Itinanong ko naman ‘yon kay Sir Francis, pinsan daw nila ‘yon. Pero hindi pa naman daw nagagawi rito. Masyado raw kasing busy ang isang ‘yon.”
“Ah, ang mabuti pa ay kalimutan mo na sila. Basta gawin ninyo ang trabaho ninyo para walang masabi ang mga guest. Ilan lang naman siguro ang mga kagaya nila na namemersonal at hindi marunong maawa sa mga taong maliliit na kagaya natin.”
“Oho nga, Ma’am.”
“O, sige, may meeting pa rin tayo mamaya kapag nakuha ko na ang memo, ha?”
“Yes, Ma’am.”
Nang magsialis na ang mga chambermaid ay napabuntong-hininga na lang si Jean.
Mahirap talagang maging mahirap. Mababa ka na nga, tatapakan ka pa ng mga taong kagaya nila. Bigla ay naalala niya ang pangarap na makapag-asawa ng mayaman.
Ngayong nahulog na siya nang husto sa charm hi Josh Montemayor, wala na talaga siyang pag-asa na yumaman.
Hindi bale, masaya naman ako sa pag-ibig niya, napangiti na lang siya sa naisip. Pero bigla rin siyang nalungkot nang maalalang ilang araw din niyang hindi makikita ang katipan.
Babalik siya, alam ko, babalik siya.
MARAMING guest ang dumating pa ng araw na iyon, naging abala na si Jean sa pag-aasikaso sa trabaho ng mga chambermaid. Ang hindi niya inaasahan ay ang masalubong ang babaeng sinasabi ni Sonia na lider daw ng matataray na grupo.
“Hey, you!” tawag-pansin nito sa kanya habang nakatunghay siya sa memorandum na galing kay Francis.
“Yes, Ma’am,” magalang ang ngiting sumungaw sa mga labi niya kahit pa gustong tumaas ng kanyang kilay. Ang babaeng nakatayo habang nakapamaywang sa kanyang harapan ngayon ay walang dudang ismarte at sopistikada ang dating kahit pa one piece swimsuit na pinatungan ng tapis ang suot.
At sa pagkakataas ng kilay nito habang taas-baba siyang tinitingnan na animo bacteria siya na sinusuri sa ilalim ng microscope, parang gusto niyang kabahan.
“Itinuro ka sa akin ng isang bellboy na siya daw supervisor ng mga chambermaid, totoo ba?” animo reynang tanong nito.
“Ah, yes, Ma’am. Anything I can do for you, Ma’am?” Pilit pa ring nagpakahinahon si Jean.
“Yes of course! Lalapitan ba naman kita kung wala akong kailangan?”
Gusto na niyang bulyawan ang babaeng kaharap.
“A-ano po ‘yon, Ma’am?”
“Pagsabihan mo ang mga chambermaid mo, ha? Lalo na yong nagngangalang Sonia Soler. Masyadong bastos sa mga guest.”
Nanggigigil na sa pagpipigil si Jean. Kung hindi pa sana niya alam ang totoo.
“Oh, I’m very sorry for that. Anyway, nakarating na rin sa akin ang bagay na ‘yan. In fact, magkakaroon nga kami ng meeting ngayong hapon dahil sa pangyayaring ‘yan. I’ll see to it na aayusin ko ang bagay na yan.”
“Well, good! You have to do that.” Bahagya namang umaliwalas ang mukha ng babae bagama’t nakataas pa rin ang kilay. “Anyway, I have something to ask you.”
“Yes Ma’am, what is that?”
“Well, I was looking for my boyfriend here. Sabi nila ay wala raw dito si Joshua Fuentebella at hindi nila ito kilala. But I don’t believe them. Imposible ‘yon. Sigurado ang report na nakarating sa akin, narito ang magaling na lalaking ‘yon. At tiyak, may ginagawang kalokohan kaya ako pinagtataguan.”
At bakit naman hindi ka pagtataguan, ang sama-sama siguro ng ugali mo! sa loob-loob niya.
“Ah, Ma’am, totoo naman hong wala kaming nakikilalang Joshua Fuentebella. Pero kung may dala kayong picture niya, baka malaman natin kung nagbago ng pangalan para walang makaalam na narito siya.”
Nakataas ang kilay na natitigan siya nito, mayamaya ay napangiti.
“Hey! May katwiran ka yata, ah? Hmm, knowing that damn man! Lahat ay kayang gawin makapagtago lang sa akin! Just wait for me here, ha? Kukunin ko lang sa suite ko ang picure niya. Ah, teka, ang mabuti pa ay sumama ka na sa akin. At kapag naituro mo sa akin ang magaling na lalaking yon, may bonus ka sa akin.”
“Sige ho.” Kahit naiinis, sumama siya rito para huwag na itong magalit.
Hmp! Bahala nga kayong mag-away kapag nagkita kayo, sa loob-loob ng dalaga.
“I’m Sylvi, and you are…?” wika nito habang naglalakad na nauuna sa kanya.
“Jean Del Sol po, Ma’am.”
“Hmm, Jean Del Sol, ang baduy naman.”
Lalong umarko ang kilay niya bagama’t hindi na lang kumibo.
Itutuloy….

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento