Linggo, Setyembre 25, 2011

Mga batang kalye


Mga batang kalye

June 10th, 2010
Pulos puti ang nakita niya sa mga mata nito nang tanggalin nito ang dalawang kamay sa mukha nito at humarap sa kanya.
SUNUD-SUNOD na bumusina si Leonard. Apat na bata marahil ay sampu hanggang labing-apat na taong gulang ang mga edad ang naglalaro sa kalye at halinhinang tumatakbo patawid ng kalsada. Tatlo ang lalaki sa mga ito at nag-iisa lang ang babae na tila pinakamatanda sa grupo. Puwede siyang lumusot pero natakot siya na baka may mabundol siya sa mga bata.
Sa wakas ay gumilid sa kalsada ang apat na bata pero iyon ay pagkatapos siyang pukulin ng matatalim na tingin ng mga ito. Gusto niyang kastiguhin ang mga magulang ng mga batang ito na hinahayaang maglaro sa kalye kahit ala-una na ng madaling-araw? Ang tanong lang ay kung may mga magulang pa ang mga musmos na iyon. Sa tantiya niya ay sa kalye na nakatira ang mga iyon.

Mabagal pa rin ang takbo niya kahit nag-iisa na lang yata siya sa kalyeng iyon. Kung hindi siguro nangyari ang trahedya noon, baka pinalipad na niya ang sasakyan niya.
Tatlong taon na ang nakararaan nang may aksidente siyang masagasaan. Lalaki ito, treinta anyos. Dahil agad na pinanaigan siya ng takot na makulong, ang unang naisip niya ay ang takbuhan ang biktima niya. Sa tingin niya, dahil madaling-araw na at malakas pa ang ulan nang mga oras na iyon, walang nakakita sa nangyari.
Pero inusig siya ng konsiyensiya niya bago pa siya ganap na nakalayo. Bumuwelta siya pabalik sa nakahandusay na lalaki. Isinugod niya ito sa ospital pero binawian din ito ng buhay habang inooperahan. Laking pasasalamat niya nang ipasya ng pamilya nito na huwag nang magdemanda at ipasagot na lang sa kanya ang mga naging gastusin ng mga ito sa ospital. Tutal naman daw ay aksidente lang ang nangyari at hindi naman niya pinabayaan ang biktima. Mahirap lang ang pamilya ng biktima kaya hindi lang panggastos sa ospital ang salaping ibinigay niya sa pamilya nito.
Pagkatapos ng malungkot na insidenteng iyon, halos dalawang taon siyang hindi humawak ng manibela. Na-trauma siya, natakot na kapag nagpatakbo uli siya ng sasakyan ay makakaaksidente uli siya at makakapatay. Ngayon na lang uli siya nakapagmaneho pero sobrang ingat naman siya. Madalas tuloy ay nabubusinahan na siya ng mga kasunod na sasakyan niya dahil minsan ay sumosobra ang bagal niya.
Mayamaya ay napakislot siya nang may marinig siyang pagsabog. Ang gulong pala niya ang sumambulat.
Inabot yata siya nang isang oras sa pagpapalit ng gulong. Pag-andar uli niya, nakarinig siya ng ingay sa bubungan ng kotse niya. Parang may tao o hayop doon na tumatalun-talon.
Inihinto niya sa isang tabi ang kotse niya. Pero nang lumabas siya ng sasakyan, wala naman siyang nakitang tao, hayop o anumang bagay sa bubungan niya. Kung anuman iyong narinig niya, baka nalaglag na iyon bago pa man siya nakahinto. At hindi naman siguro tao iyon.
Para makatiyak, tumingin siya sa direksiyong pinanggalingan niya, pero wala siyang nakitang taong nakahandusay roon.
Pumuwesto na uli siya sa harap ng manibela pero bago uli niya napaandar ang sasakyan ay napapitlag siya nang may makita siya sa backseat. Isang batang lalaki, marahil ay dose anyos ang edad.
“Pagbutihin mo ang pagmamaneho mo, ha?” sigaw nito sa kanya bago ito humalakhak nang pagkalakas-lakas. Sinipa nito pabukas ang pinto ng kotse niya at tumakbo palayo.
Hindi na niya tinangkang habulin ito ngunit lumabas siya ng sasakyan at sinundan na lang niya ito ng tingin. At sa pagkagulantang niya, unti-unting naglaho ang bata habang kumakaripas ito ng takbo. Biglang nanindig ang mga balahibo niya. Sigurado siyang hindi siya namalikmata lang. Talagang unti-unting naglaho ang bata sa paningin niya.
“Hoy!” Narinig niyang may sumigaw sa kanya mula sa likuran. “Sino yang tinitingnan mo?”
Paglingon niya ay isa pang batang lalaki, na marahil ay dose anyos din ang edad, ang nakita niyang nakatayo sa bubungan ng kotse niya.
“Ano’ng ginagawa mo riyan? Baka mahulog ka riyan,” aniya. Tinangka niyang abutin ito pero tumalon ito. At sa pagkagitla niya, hindi agad ito lumapag sa lupa. Lumutang ito nang ilang segundo sa hangin bago marahang tumuntong sa lupa. Kumaripas din ito ng takbo.
Habang tumatakbo ito palayo sa kanya ay biglang lumitaw sa tabi nito ang batang nakita niya kanina sa likurang upuan ng sasakyan niya. Sabay na tumakbo ang mga ito. Malakas na nagtatawanan ang mga ito habang sumisibad ng takbo palayo.
Hindi siya nakainom at lalong hindi siya nakadroga nang mga sandaling iyon kaya walang dahilan upang lumikot nang husto ang kanyang imahinasyon. Kung anuman ang nakita niya, nangyari talaga iyon. Ngunit paanong ang isang bata ay bigla na lang mawawala at bigla na lang uli lilitaw?
Nagmamadaling bumalik na siya sa loob ng sasakyan niya. Saka na niya hahanapan ng lohika ang mga nangyari. Ang mahalaga sa ngayon ay ligtas siyang makauwi.
Binilisan na niya nang kaunti ang pagpapatakbo. Sa isang pagliko niya, isang rumaragasang ten-wheeler truck ang nasalubong niya. Huli na para umiwas siya. Ang pumikit na lang ang nagawa niya. Pero sa pagkagulat niya, walang siyang narinig na banggaan.
Pagdilat niya, walang ten-wheeler truck sa harap niya. Naiwasan ba siya niyon sa huling sandali? Lumingon siya, pero wala siyang natanaw na papalayong ten-wheeler truck.
Nanlalatang napasandal siya sa kinauupuan niya. Ano ba ang nangyayari sa kanya? Kasunod niyon ay naalala niya na ang dalawang batang nagpakita sa kanya ilang minuto pa lang ang nakararaan ay kasama sa grupo ng apat na mga batang naglalaro sa gitna ng kalye. Iyong mga batang tumabi pagkatapos niyang businahan nang sunud-sunod pero pinukol naman siya ng galit na tingin.
Paano nangyaring nasundan siya ng mga ito? Marahil ay nakahabol ang mga ito nang huminto siya at magpalit ng gulong.
May kaunting paliwanag na siya sa mga bata pero iyong ten-wheeler truck na parang multong sumalubong sa kanya, ano iyon?
Bago siya nakaapuhap ng puwedeng sagot sa tanong niya ay may narinig siyang umiiyak. Sumulyap siya sa rearview mirror. Pumitlag ang puso niya nang makita niya roon ang batang babae na kasama rin sa grupo ng mga batang nadaanan niya kanina. Pinapahid nito ng daliri ang mga luha nito sa magkabilang mata.
“Sino ka?” tanong niya rito.
Paghagulhol lang uli ang isinagot nito. Sinapo pa nito ng dalawang kamay ang mukha nito.
“Bakit ka umiiyak?” tanong niya.
Nagulat siya nang makita niyang pulos puti ang mga mata nito nang tanggalin nito ang dalawang kamay sa mukha nito at humarap sa kanya.
“Pagbutihin mo ang pagmamaneho mo! Hindi yong kung anu-ano ang iniintindi mo gayong nasa harap ka ng manibela. Baka makasagasa ka. Kawawa ang mapapatay mo! Hindi sila matatahimik!” pagalit na wika nito sa kanya bago biglang napatili ito. “May bata!”
Napabalik ang tingin niya sa harap pero huli na. May nabangga na siya. Malakas ang naging pagkalabog nito.
“Oh, my God!” nanghihilakbot na sambit niya nang maramdaman niyang nagulungan niya kung sinuman iyon na nabundol niya.
Nanlalamig ang buong katawan na inihinto niya ang kotse niya at bumaba. Nanginginig ang mga tuhod niya. Pero wala naman siyang nakitang tao malapit sa sasakyan niya. Sumilip siya sa ilalim ng kotse, wala rin siyang nakitang tao roon. Pagbalik ng tingin niya sa loob ng sasakyan niya, wala na roon ang batang babae, sa halip ay sa gitna na ng kalsada niya nakita ito, patakbu-takbo, sumasayaw, at tumatawa.
“Hey!” sigaw niya sa batang babae. Baka may alam ito sa mga misteryong kasalukuyang nangyayari sa kanya.
Nasa gitna lang ba siya ng isang masamang panaginip?
Tumakbo palayo ang batang babae nang makita siyang papalapit dito. Hindi niya tinangkang habulin ito. Sinundan na lang niya ng tingin ito hanggang sa lamunin ito ng dilim.
Bumalik siya sa sasakyan ngunit bago niya napaandar iyon ay nakita niyang nakatayo ang isang batang lalaki sa harap ng sasakyan niya. Kasama rin ang batang ito sa grupo ng apat na “mahihiwagang” bata. Ito ang pinakabata sa grupo. May hawak itong malaking tipak ng bato.
“Sinabi na namin sa `yo, mag-ingat ka sa pagmamaneho mo!” sigaw nito sa kanya. “Nasagasaan mo tuloy ako!”
Bago pa siya nakakilos ay naipukol na nito sa kanya ang hawak nitong bato. Naglagos iyon sa windshield niya, at humampas at bumiyak sa noo niya.
Habang nagdidilim ang paningin niya ay nakita pa niya ang pagtayo ng bata sa gitna ng kalsada. Itinaas nito ang dalawang kamay nito habang nakatingin ito sa isang paparating na ten-wheeler truck. Naririnig pa niya ang malakas na pagtawa nito at ang paghamon nito sa paparating na truck na sagasaan ito.
ANG MAAMONG mukha ng nobya ni Leonard na si Mikee ang sumalubong sa paningin niya nang magising siya.
“Kumusta na ang pakiramdam mo?” tanong nito.
Sinalat niya ang benda sa noo niya. Ipinaalala agad niyon ang mga nangyari sa kanya nang nagdaang gabi.
“Accident-prone daw talaga `yong kalye kung saan ka naaksidente kagabi, sabi ng pulis na nagdala sa `yo sa ospital.”
Nagtatakang napatingin siya rito. “Aksidente?” Hindi aksidente ang pagkakabiyak ng tipak ng bato sa noo niya. Sinadyang ipukol iyon sa kanya.
May bumahid kaagad na pag-aalala sa mukha nito. “Hindi mo maalala?”
Ang naaalala niya ay ang apat na batang binulabog ang sana ay isang tahimik at ordinaryong gabi niya.
“Nawalan ka raw ng kontrol sa kotse mo. Bumangga ka sa isang poste.”
Hindi iyon ang alam niyang nangyari sa kanya.
“Sabi pa ng pulis, baka raw napagmultuhan ka rin n’ong apat na bata,” dugtong pa nito.
“Multo ng apat na bata?”
Nagkuwento ito. Halos mag-iisang taon na raw ang nakararaan kung kailan apat na batang kalye tatlong lalaki at isang babae na nasa edad na sampu hanggang labing-apat na taong gulang ang nasagasaan at napatay ng isang ten-wheeler truck habang naglalaro ang mga ito sa kalsada. Nakainom daw ang driver ng truck na namatay rin nang gabing iyon dahil tuluyan na itong nawalan ng kontrol sa dambuhalang sasakyan nito. Nagmumulto raw ang apat na bata sa kalyeng iyon at may mga gabing nagpapakita sa mga motoristang napipiling “paghigantihan” ng mga ito.
“Paghigantihan” ang terminong ginagamit ng mga pulis dahil daw lahat ng motoristang napipiling pagpakitaan ng apat na bata ay aksidenteng nakasagasa na ng tao at nakapatay.
Katulad niya.
Ang Wakas

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento